top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Feb. 18, 2025



Photo: Toni at Direk Paul - Alex Gonzaga Official


Nag-trending sa social media ang part ng latest vlog ni Alex Gonzaga sa YouTube Channel nito kung saan napag-usapan ang “private thing” sa buhay ng isang couple. 

Dahil Valentine special ang inilabas na vlog ni Alex, special guests niya ang mister na si Mikee Morada at ang mag-asawang Toni Gonzaga at Direk Paul Soriano.


Maraming napag-usapan ang dalawang couples tungkol sa kani-kanilang relationship, pero mas nakaagaw ng pansin ng mga netizens ang pagbubulgar ni Direk Paul na si Toni raw ang mas madalas magyaya ng sex. 


“Siya na talaga ang nagyayaya ng sex all the time,” kaswal lang naman na sabi ni Direk Paul na sinagot ni Toni ng “Huwag mo nang iano ‘yun.”


Naloka siguro si Toni sa panlalaglag ng mister dahil ‘di naman siya tulad ni Alex na very vocal sa mga ganitong usapin. 

Well, ang masasabi lang namin, ang taong tahimik, delikado ‘pag na-hot seat, hahaha!!! 


 

Pamilya, nasira raw dahil sa pulitika… 

DIREK LINO, AYAW SUPORTAHAN NI SEN. ALAN SA PAGKA-CONG., KALABAN ANG INEENDORSO





Hindi maiwasan ng entertainment press ang ma-sad at maapektuhan sa inamin ni Direk Lino Cayetano kahapon sa ipinatawag na mediacon ng Regal Entertainment producer na si Ms. Roselle Monteverde para sa tumatakbong congressman sa 1st District ng Taguig-Pateros sa upcoming May elections. 


Inamin kasi ng direktor at minsan na ring naging mayor ng Taguig na may conflict ngayon sa kanilang pamilya at hindi suportado ng kanyang Kuya Alan Peter Cayetano at ng misis nitong si Mayor Lani ang pagtakbo niyang congressman, at sa halip, ang kalaban daw niya ang ineendorso ng mga ito. 



Nalulungkot man si Direk Lino, ayaw niyang magalit o sumama ang loob sa kanyang kuya at sis-in-law at sinusubukan pa rin naman daw niyang ligawan ang mga ito para makumbinse na siya ay suportahan. 


Ang kanyang Ate Pia Cayetano ay may sarili rin naman daw buhay at pinagkakaabalahan kaya ayaw muna nitong makialam sa mga hindi nila pinagkakasunduan ni Sen. Alan. 


Pero nu’ng una naman daw na magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Sen. Alan, namagitan na rin si Sen. Pia, kaya lang, mukhang hindi pa tamang panahon para maayos sila noon. 


Hindi rin masabi ni Direk Lino na suportado siya ng kanyang ate sa pagtakbo niyang

cong., pero umaasa siyang makumbinse rin ito.


Pero may binitawan ding linya si Direk Lino na “I’m not saying na hindi importante ang suporta ng pamilya, pero ‘di ba dapat, mas makuha ko ang suporta at tiwala ng mga taga-Taguig-Pateros?”


Idiniin din niyang hindi siya pulitiko at ikinalulungkot niya ang pagkasira ng kanilang pamilya dahil sa pulitika. 


Gusto lang daw niyang maging cong. dahil nakita niyang marami siyang puwedeng

iambag at magawang pagbabago at public service ang hangad niya at hindi maging pulitiko. 


Umaasa rin siyang pagkatapos ng eleksiyon ay makakapag-usap rin silang magkakapamilya at muling magkakaayos, lalo’t inamin ni Direk Lino na super close pala sila ng kanyang Kuya Alan noon bago pa nangyari ang hindi nila pagkakasundo dahil sa magkaiba nilang pananaw sa pulitika. 


Natanong nga namin kung gusto ba niyang isapelikula ang mala-telenobela nilang buhay at natatawang sagot ng direktor, boring pa raw ng lagay na ‘yan ang kanilang life story. Although kung may gaganap bilang siya, gusto niya si Ian Veneracion. 


Samantala, co-producer ng Regal ang Rein Entertainment ni Direk Lino sa upcoming horror movie na The Caretakers na palabas na sa Feb. 26 at bida sina Iza Calzado at Dimples Romana mula sa direksiyon ni Shugo Praico.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Feb. 5, 2025



Photo: BINI signing / ABS-CBN


“Fake news!” ang sigaw ng leader ng BINI na si Jhoanna Robles kaugnay ng isyung bubuwagin na ang pinakasikat ngayong girl group sa ‘Pinas.


Kahapon nga ay ginanap na ang signing ng renewal of contract ng BINI sa Dolphy Theater ng ABS-CBN kung saan present ang mga ABS-CBN executives sa pangunguna ni Chairman Mark L. Lopez, ABS-CBN President and CEO Carlo L. Katigbak, COO of Broadcast Cory V. Vidanes, and ABS-CBN Head of TV Production and Star Magic Head Laurenti Dyogi.


Ang supposed to be super-sayang renewal of contract ay napuno ng iyakan ng mga members ng nation’s girl group at pati nga mga Blooms (BINI’s fans na present sa event) at press people ay nagpahiran din ng luha dahil sa napaka-emosyonal na mensahe ni Ma’m Cory para sa BINI.


Hindi talaga naiwasang mag-iyakan ng mga BINI members lalo na nang isa-isa nilang balikan ang mga hirap na kanilang pinagdaanan, ang tiwalang ibinigay sa kanila ng

Kapamilya Network mula sa pagiging “nobody” nila, at maging ang suporta ng kanilang mga fans na kahit pa ang dami raw nilang mga bashers ay hindi bumitaw sa kanila at patuloy silang sinusuportahan sa bawat project na kanilang ginagawa.


Pare-pareho talagang napaluha sina BINI Jhoanna, Sheena, Mikha, Stacey, Aiah, Colet at Maloi. Tanging si Gwen lang ang hindi napaiyak sa kanilang pasasalamat na nag-renew uli sila ng contract sa Kapamilya Network. 


Hindi raw kasi nila ma-imagine ‘yung mula sa naging buhay nila noon na nag-o-audition pa lang sila sa Dolphy Theater ng ABS-CBN nu’ng year 2019, ngayon ay nagre-renew na sila ng panibagong contract.


Tiniyak naman ni Ma’m Cory na anuman ang mangyari, hinding-hindi nila pababayaan ang BINI dahil mahal na mahal nila ang mga bata na grabe ang hirap na pinagdaanan maabot lang ang kanilang mga pangarap na makilala at mai-represent ang Pilipinas sa ibang bansa.


Yes, going international na nga ang BINI at in-announce mismo ni Ma’m Cory na matutuloy ang world tour ng nation’s girl group dahil may mga bansa nang naka-line-up na pagpe-perform-an ng walong members nito.


Pero bago ang world tour, next week ay ilo-launch muna ang bagong single ng BINI titled Blink Twice.


At sa February 15, tuloy na tuloy ang Biniverse World Tour Phils. concert ng BINI sa Phil. Arena kung saan ngayon pa lang ay super excited na ang mga Blooms sa mga bagong mapapanood sa BINI.


Nakaka-touch nga ‘yung mga mensahe ng Blooms na ipinalabas sa screen kahapon kaya siguro nakadagdag ‘yun para maging emosyonal ang BINI, na sinabayan pa ng mellow music kaya iyak-tawa talaga sina Jhoanna, Sheena, Mikha, Stacey, Gwen, Maloi, Colet at Aiah.


 

SPEAKING of iyakan, naging emosyonal din ang favorite naming Aegis Band sa ginanap na Day 2 ng kanilang pre-Valentine concert sa New Frontier Theater last Sunday, Feb. 2 titled Halik sa Ulan: A Valentine Special.


As we all know, first major concert ito ng Aegis matapos pumanaw ang isa sa kanilang vocalists na si Mercy Sunot.


Nu’ng mediacon pa nga lang para sa kanilang concert, emosyonal na ang magkapatid na Juliet at Ken Sunot dahil hindi pa rin talaga sila totally nakakapag-move on sa biglaang pagkawala ni Mercy.


Ang ikinagulat ng lahat, nagawan ng paraan ng production na maisama pa rin si Mercy Sunot sa song number nina Juliet at Ken para mabuo ang magkakapatid for one last time sa kabila ng pumanaw na ang una.


Ang galing ng pagkakagawa na pinalabas na buhay si Mercy sa pamamagitan ng pagpapakita ng dating video nito nu’ng buhay pa na kumakanta na sinabayan sa stage ng magkapatid na Juliet at Ken. 


Hindi tuloy maiwasan ng mga tao na maging emosyonal at mapaiyak din, lalo na ang mga true blooded Aegis fans.


Successful ang two-night concert ng Aegis kung saan nu’ng first night, ang mga naging special guests ay sina Moira at Martin Nievera, at nu’ng second night, sina Ogie Alcasid, Jonalyn Viray at Julie Anne San Jose naman ang nakasama ng sikat na sikat pa ring banda sa kabila ng mga bago at mas batang nagsusulputan ngayon.


Kudos to Aegis Band and to Direk Frank Lloyd Mamaril para sa tatatak na namang Halik sa Ulan: A Valentine Special concert.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 9, 2023



"Adding insult to injury" ang basa ng maraming netizens sa ginawang pagpapainterbyu ng TAPE, Inc. Chief Finance Officer na si Dapitan, Zamboanga del Norte Mayor Bullet Jalosjos kay Pinky Webb sa The Source show nito sa CNN.


Hindi pa nga naman humuhupa ang galit ng mga Eat…Bulaga! viewers sa mga executives ng TAPE, Inc. dahil sa ginawang biglaang pagpapatalsik kina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa noontime show na 43 years nilang pinaglilingkuran, heto't kung anu-ano na naman daw ang pinagsasabi ng isa sa mga bossing ng TAPE.


Sa naturang panayam ni Mayor Bullet, bagama't sinabi niyang happy siya na may bagong tahanan na nga ang TVJ sa TV5, hindi naman kinagat ng mga EB! fans ang kanyang pahayag, instead, inakusahan pa siyang plastic at evil.


Ilan sa mga comments na nabasa namin sa socmed…


"Parang 'di naman sincere. Tatapatan show n'yo, siyempre competition 'yan."


"Sports? Lol. Sabihin mo, plastic! So, sino na ngayon 'yung production, sila na rin 'di ba? Kasi nga 'yun talaga plano nila noon pa.

"Nagpapakabait siya ngayon kuno dahil bumaba ang popularidad niya. Negang-nega. He will always be known in history as the evil guy behind the Eat… Bulaga! exodus, the longest-running most-loved show in Philippine television."


Pulitikung-pulitiko raw talagang magsalita si Bullet dahil matapos ngang 'di payagang umere sa GMA-7 ang EB! nu'ng May 31, aba'y sasabihin ngayong masaya siya para sa TVJ at panonoorin pa raw ang bagong show ng mga ito sa TV5.


Bukod diyan, sinabi rin ni Mayor Bullet na "hindi threat" sa kanila ang bagong show ng TVJ sa TV5 na ang balita nga ay EB! pa rin ang gagamiting title ng noontime show.


Masaya naman daw siya sa mga bagong hosts na nakuha nila para sa Eat… Bulaga!.


"Napakayabang at arogante magsalita. Napanood ko 'tong buong interview, may sinabi pa siya na hindi naman daw sikat ang TVJ/Aiza (Seguerra) before Eat…Bulaga!, parang ipinapahiwatig niya na sila ang nagpasikat sa kanila."


Well, tatakbo pa kaya sa susunod na eleksiyon si Mayor Bullet? Hindi kaya ru'n siya resbakan ng mga diehard EB!/TVJ fans?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page