ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 30, 2025
Photo: Erwin Tulfo - FB
Isa ang senatoriable na si Erwin Tulfo sa mga dumating sa nakaraang State of the District Address (SODA) ni QC 1st District Congressman Arjo Atayde sa SM Skydome nu’ng Lunes.
Dumating si Erwin bilang suporta sa aktor na aniya’y hinahangaan niya kahit baguhan pa lang ito sa pulitika at naniniwala siya sa mga programa ng aktor-kongresista, kaya puwede raw silang magtulungan sa pagbibigay-serbisyo sa mga tao sakali mang mahalal din siya bilang senador.
Dahil mainit-init pa ang isyu ng diumano’y “pambabastos” sa GMA reporter na si Mariz Umali ng kapatid ni Erwin Tulfo na si Mr. Mon Tulfo, kung saan nagbitaw ng pahayag ang eldest sa Tulfo brothers na tatanda rin si Mariz at mangungulubot din ang ‘pagkababae’ nito, hiningan namin ng pahayag ang tumatakbong senador sa inasal ng kanyang kuya sa isang babae lalo’t National Women’s Month pa naman ang buwan ng Marso.
Sagot sa amin ni Erwin, “I don’t know. Matagal na kaming hindi nag-uusap ni Mon. Ang problem kasi, may sariling pag-iisip ‘yan, eh. Aba’y dati, nasa Cabinet Secretary ako, binabanatan niya ‘yung boss ko, si BBM. Nasa Congress ako, binanatan niya si Speaker. ‘Di mo makontra, eh.
“Ang sagot nga niya sa akin, ‘Bakit, wala ba tayong freedom of speech dito, Erwin? Hindi porke’t retired na ako sa media, wala na akong karapatang magsalita.’
“So, what can you do, eh, eldest ‘yun, youngest ako? Twenty years ang agwat namin. Papakinggan ba ako nu’n?”
Hindi naman daw naaapektuhan ng pulitika ang relasyon nila bilang magkapatid. Ang katwiran lang lagi ni Mon, may freedom of expression kaya ‘di ito makontra at hindi makontrol sa pagsasalita ng kanyang youngest brother.
Hmmm… Sina Sen. Raffy Tulfo at senatoriable Ben Tulfo kaya, may opinyon sa ginawa ni Mr. Mon Tulfo?
Ex ni Daniel, super pa-sexy ngayon…
3 MEMBERS NG BGYO NA SINA NATE, JL AT GELO, TYPE NA TYPE SI KATHRYN
TATLO pala sa mga miyembro ng P-Pop group na BGYO ang may crush kay Kathryn Bernardo — sina Nate, JL at Gelo.
Si Akira, si Liza Soberano naman ang inaming crush, habang si Mikki, wala raw celeb crush sa ngayon, pero hindi naman daw dahil may magagalit sa kanya.
First time naming nakausap ang BGYO sa Star Magic Spotlight press conference kung saan napag-usapan ang kanilang recent career milestone lalo’t lumalawak na ang kanilang presensiya sa music stage at ang kanilang bagong music.
Kamakailan ay ini-launch ng grupo ang kanilang self-titled EP na may limang tracks, kasama na ang kanilang pinakabagong music video na Divine.
Nang tanungin kung handa na ba silang sumubok sa mas mature na concepts sa kanilang susunod na releases, sabi ni Nate, “We’re ready for anything, and we’re getting older din po so we should match our feelings sa music so that it’s really us, BGYO.”
Dagdag naman ni Mikki, “And also ilang years na rin kami (four years), nag-mature na rin kami when it comes to our music and how we present ourselves.”
Ibinahagi rin ng mga miyembro na open sila sa pag-explore ng ibang fields tulad ng theater arts, gaming at acting.
Hmmm… kung game naman palang umarte ang BGYO, puwede kaya silang isama ng Star Magic sa next movie ni Kathryn? For sure, tuwang-tuwa sina Nate, JL at Gelo niyan, na in fairness, ‘di raw nag-aaway-away kahit pare-pareho nilang type ang napakaseksi naman kasi ngayong ex-girlfriend ni Daniel Padilla.
Anyway, mukhang isa ang 2025 sa pinaka-exciting na taon para sa BGYO. Lumalakas ang kanilang fanbase at ramdam ang growth nila bilang performers na tiyak na mas aabangan pa ng lahat.
NATUWA naman kami sa nalaman namin mula sa isang close kay Quezon City District 5 Councilor Alfred Vargas.
Tsika kasi nito, totoo namang hindi nagbibigay o namumudmod ng datung ang aktor-pulitiko sa mga lumalapit dito, pero idinadaan naman pala ni Konsi Alfred sa ibang paraan ang kanyang pagtulong sa mga residente ng Distrito Singko.
In fact, chika nga ng aming source, tuwang-tuwa si Konsi Alfred nang malamang umabot na pala sa more or less 4500 ang mga natulungan ng kanyang mga programa bilang konsehal.
Hindi man nga kasi in cash, ang dami palang nabigyan ng trabaho sa pa-job fair na isinagawa ni Konsi Alfred sa District 5. At kung nagbibigay man daw ng tulong-pinansiyal, ‘yun ay para maging puhunan ng mga gustong mag-umpisa ng maliit na negosyo.
Bukod pa riyan, may Asenso Vocational module rin daw kung saan tinuruan ang mga residente ng kaalaman sa meat processing, paggawa ng sabon, perfume production at dishwashing liquid production.
‘Yung iba naman daw, nagkaroon ng sariling online business at naturuan din ang mga ito na gamitin ang mga social media platforms tulad ng Facebook para maibenta ang kanilang produkto.
Oh, ‘di ba, bongga naman pala? Kaya tuwang-tuwa naman daw ‘yung mga nabigyan ng extra income dahil kahit maliit lang ang kita, pandagdag pa rin ‘yun para sa kanilang mga gastusin.
Well, kahit naman sa showbiz, maraming natutulungang manggagawa si Alfred Vargas bilang producer. Ilang pelikula na rin ang kanyang nagawa, na sabi nga niya, kahit minsan ay nalulugi siya, hindi siya sumusuko sa pagpoprodyus dahil gusto nga niyang magbalik-pasasalamat at makatulong sa mga taga-movie industry.