ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | December 27, 2023
Sinorpresa ni Piolo Pascual ang entertainment press nang bigla siyang dumating sa private screening ng Metro Manila Film Festival 2023 entry niya na Mallari noong Dec. 25 held at Cinema 5 ng SM City North EDSA.
Bumati at nagpasalamat si Papa P sa press na dumalo sa block screening at sandali ring nagpa-interview.
Aniya ay nag-ikot siya sa mga sinehan sa first day of showing at masayang-masaya sa resulta ng pelikula.
“First stop namin was SM MOA and it was sold-out and there were lots of people outside. And then, sa lahat ng pinuntahan naming sinehan, ang daming pila.
“So, sabi ko, ‘Wow!’ Nakakatuwa! Buhay na buhay ang Pelikulang Pilipino.' So, nakakataba ng puso. It’s not just for us but for the whole film community,” ani Piolo.
Samantala, after watching the film, hindi na kami nagtaka kung bakit proud na proud si Papa P sa Mallari. Napakahirap naman talaga ng role niya bilang 3 Mallaris (Fr. Juan Severino Mallari in 1812, Johnrey Mallari in 1948 at Dr. Jonathan Mallari in present time).
Ang husay ni Piolo na talagang nagawa niyang ibahin ang personalidad ng tatlo niyang karakter na napakahirap naman talaga. Ngayon lang namin napanood ang aktor sa ganito ka-challenging na role.
Sagana sa suspense and jump scare scenes ang movie at opening scene pa lang ay mapapasigaw ka na. Sa buong duration ng pelikula ay mapapatalon ka sa mga nakakatakot na eksena with matching musical score na lalong nakadagdag sa gulat factor.
Aside from Piolo, JC Santos also gave an outstanding performance bilang deacon na si Lucas. Actually, lahat naman sila ay nagampanan nang mahusay ang kani-kanilang roles kabilang na si Gloria Diaz bilang ina ni Fr. Mallari at si Janella Salvador as Jonathan Mallari’s fiancée.
Panalung-panalo rin ang production design at halatang ginastusan nang husto. Heard na ‘yung scene sa sementeryo kung saan hinukay ni Jonathan ang libingan ni Johnrey ay isang parking lot at ginastusan ng tumataginting na P1M para gawing sementeryo na 3 minutes lang ginamit sa film.
Hindi malayong hakutin ng Mallari ang Best Picture, Best Director (Derick Cabrido), Best Production Design, Best Actor at Best Supporting Actor sa MMFF Awards night na gaganapin ngayong gabi, Dec. 27.
Dahil sa success ng Mallari sa first day ay nagdagdag pa ito ng sinehan. Produced by Mentorque Productions, mapapanood ang nasabing MMFF entry sa mahigit 100 theaters nationwide.