ni Janiz Navida - @Showbiz Special | April 26, 2022
Usap-usapan ngayon ng mga netizens at pati ng mga solid fans ni Megastar Sharon Cuneta ang diumano'y pandededma at hindi pagsuporta nina Diamond Star Maricel Soriano at Vice Ganda sa vice-presidential candidate na ka-tandem ni VP Leni Robredo sa May 9 elections.
Sa ginanap na grand rally kamakailan ng Kakampink kasabay ng birthday ni VP Leni, kapansin-pansin na tanging ang pangalan lang ng presidentiable ang isinigaw nina Maricel at Vice.
Maraming naghintay at nag-akalang ieendorso rin nina Marya at Vice ang mister ni Megastar Sharon dahil close friends naman sila ng aktres-singer.
But unfortunately, ayun nga, mukhang may ibang 'manok' sa pagka-bise-pangulo ang dalawang sikat na personalidad.
Actually, hindi naman sina Maricel at Vice ang mga unang celebrities na hindi nagpahayag ng suporta kay Sen. Kiko Pangilinan kahit pa mister siya ni Ate Shawie.
FYI ng mga hindi nakakaalam, "BFF" ang tawagan nina Sharon at Comedy Queen Ai Ai delas Alas mula nang magsama sila sa isang pelikula noon. And yet, bukas si Ai Ai na BBM-Sara Duterte ang kanyang sinusuportahan.
At maging ang isa pang love na love na komedyante-kaibigan ni Ate Shawie na si Bayani Agbayani ay open din sa pagsuporta kina BBM at Sara at magkasama pa nga sila ni Ai Ai sa entablado sa campaign rally ng UniTeam.
But in fairness kay Ate Shawie, wala naman kaming naririnig na mga 'hugot' mula rito kung hindi man bet ng mga BFF niyang suportahan at iboto ang kanyang mister na si Sen. Kiko.
Mukhang malinaw naman kay Megastar at naiintindihan nito na hindi niya talaga mapi-please ang lahat.
After all, kahit sa magkakaibigan, iba-iba ang opinyon at takbo ng utak kaya hindi puwedeng iisa lang ang maging choice ng lahat.
Ang bottomline lang naman ay RESPETUHAN… WALANG PERSONALAN!