ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 3, 2023
Sa panahon ng pandemya noong 2020 ay isa ang vlog ni Yeng Constantino sa mga pinapanood namin sa YouTube channel dahil nga bawal lumabas kaya nasa loob lang siya ng bahay nila ng asawang si Victor Asuncion.
Ibini-video nila ang kanilang daily routine, ang pagluluto at pagtatanim ng gulay sa likod-bahay nila na maliit lang ang lupa dahil sa townhouse sila nakatira.
Ipinakita rin doon ang sinisimulan nilang dream tiny house sa farm na nabili nilang mag-asawa at naroon din nakatirik ang bahay naman ng ama.
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay binalikan ulit namin ang vlog ni Yeng na matagal naming hindi nasilip at hayun, tapos na pala ang tiny house nila na nasa gitna ng maraming puno ng saging, anahaw at iba pa na ang preskong tingnan dahil ang buong palibot ng bahay ay balkonahe.
Kaya namin ito naikuwento ay dahil ginawang busy talaga ni Yeng ang sarili para mapangalagaan din ang kanyang mental health na ilang taong walang trabaho ang entertainment industry dahil sa COVID 19 pandemic.
Hindi naman itinago ng songwriter/singer na napraning siya lalo na sa pagsasama nilang mag-asawa at mabuti na lang ay nakaalalay sa kanya si Yan (palayaw ni Victor).
Aniya, “Kasi, dumating 'yung time na ang daming naghihiwalay. Tapos, aware ako roon sa tinatawag na seven-year itch. Talagang nasa isip ko 'yun, na kailangang malampasan namin. Pressure na ginawa ko sa sarili ko.
"Kaya noong naka-8th-year anniversary na kami, talagang panay na panay ang pasasalamat ko sa asawa ko. At salamat kay Lord for that, dahil nagabayan din kami.
“Sa umpisa, siyempre, nagdi-discover pa lang kayo sa mga bagay about each other. Ang mga away o tampuhan, hindi naman nawawala. And we have learned na kapag mataas na 'yung init ng ulo o galit ng isa, dapat na talagang manahimik na muna o magpakumbaba 'yung isa.
"Yeah, umabot din kami sa point na nagpapa-therapy kami. At wala naman kaming nakitang masama roon, kasi it helped. Na kung kailangang may makausap o isangguni ito, it doesn't mean na may masama na sa mga nangyayari. Guidance iyon.”
Among the Cornerstone artists na dalaga pa noong pumasok sa talent management company ay si Yeng ang unang nag-asawa kumpara kina KZ Tandingan at Moira dela Torre.
Sina Yeng at KZ na lang ang masasabing happily married dahil si Moira ay alam namang nahiwalay na kaagad sa asawang si Jason Marvin Hernandez pagkalipas ng tatlong taon.
Going back to Yeng, it pays to be loyal talaga dahil taong 2013 nang maimbitahan siya kasama ang ilang Cornerstone artists na mag-perform sa opening ng Academy of Rock sa Singapore at dahil magaling naman talaga pagdating sa performance ang Pinoy Dream Academy Season 1 grand winner ay napabilib niya ang pamunuan ng AOR (Academy of Rock) at kinuha siyang brand ambassadress for a year.
Pagkalipas ng sampung taon, heto at muli siyang kinuha bilang Global Ambassadress ng AOR.