ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | April 14, 2021
Dahil ibinalik na sa mas maluwag na MECQ ang National Capital Region (NCR), ibinahagi ng It's Showtime host na si Vice Ganda kung paano napabago ng pandemic ang dati niyang magulo o hectic schedules.
“Hindi siya kasing-hectic as before nu'ng normal hectic talaga. (Dati) Sasakit ang ulo mo sa schedule. Pero nu'ng nagkaroon ng pandemic, hindi naman siya naging hectic, ang problema, naging complicated ang schedule. Kasi minsan, may schedule ka, tapos in a snap, maka-cancel dahil ang daming pabagu-bago ng mga policies, ang daming ECQ levels, may MECQ, may ECQ with iron, ganyan," biro ni Vice.
Sey pa niya, “Dahil sa dami ng mga pagbabago, abruptly nagtse-change ang mga schedule, ang daming trabahong naka-cancel, tapos biglang hahabulin mo. So complicated ang life, pero gayunpaman, we are still surviving and trying to thrive kahit ano pa'ng nangyayari.
“Kasi ang daming ganap na magpapasakit ng ulo mo nowadays, samantalang dati, ang problema mo lang, ang pinoproblema natin. 'Yung estado mismo natin, 'yung kondisyon natin at this very moment, nakakasakit ng ulo,” pahayag ng It's Showtime host sa isang panayam kaugnay ng media launch ng kanyang latest endorsement nitong April 12, ang Saridon na may temang "Kabog Pasabog".
Ikinuwento rin ng Unkabogable Star kung paano nito pinaglalabanan ang pagkainip sa bahay kasama ang boyfriend na si Ion Perez.
“'Yung latest ECQ, eh, siyempre, bigla-biglaan na naman naging ECQ, kasi nagpasabog na naman itong si Covida, so para hindi mabagot, siyempre, malaking bagay ang kalungkutan sa pinagdaraanan natin ngayon, 'di ba? So 'pag nabagot ka, 'pag nalungkot ka, ang daming pumapasok sa isip mo, so 'yun ang iniiwasan ko.
“So, para hindi mabagot, ang dami kong ginawa. Bumili kami ng badminton net ni Ion (Perez). Nag-set-up kami ng badminton court sa harapan ng bahay namin, tapos bumili ako ng basketball ring, nagba-basketball kami ni Ion. Three days na kaming everyday nagba-basketball. Tapos sabi ko nga, 'pag hindi pa huminto itong ECQ, baka bukas-makalawa, may beach volleyball court na rin dito sa harapan ng bahay namin.
“So, lahat, ginawa na namin. Nag-aaral na rin kami maglaro ng PS5, 'yung ganyan. So, lahat ng paraan para malibang, gagawin namin kasi ako especially, I choose not to be sad. So, buti na nga lang, nakapag-ipun-ipon ako, so ngayon, nakakagawa ako ng paraan para libangin at aliwin ang sarili ko,” pabiro pa niyang sagot.
Aminado naman si Vice na nagkakaroon siya ng negatibong vibes dahil sa pandemic.
“Kani-kanyang choice 'yun, eh, kung paano ka magsu-survive. Pero I’m not saying na dapat hindi tayo nalulungkot kasi dapat talaga, hinaharap din natin 'yung emosyon, 'di ba? And your emotion is valid whether or not you’re happy or sad. Whatever you are feeling that is valid. Iba-iba tayo ng pinagdaraanan at iba-iba rin tayo ng pamamaraan kung paano mag-cope. Ako kasi, ayokong magtagal sa lungkot na nararamdaman ko sa kabagutan kaya gagawa ako ng paraan para right away, parang Saridon, in just 15 minutes, may effect na agad, ganu'n."
Kahit pa raw lagpas-40 na siya, feeling niya'y hindi pa rin siya physically strong.
“Mas hirap ako 'pag physical, 'pag emotional or psychological, parang mas natatagalan ko, mas tiisin ako. Pero 'pag physical na, mas iniinda ko. Kasi siguro, mas nasanay akong may iniinda akong emotional and psychological pain for the longest time, lalo na growing up, wala namang gamot nu'n. Kaya natutunan ko na lang kung paano palakasin ang emosyon at pag-iisip ko. Pero 'yung physical pain, ever since, may available na gamot kaya siguro hindi ako nag-train na maging malakas physically. So, para sa akin, physical pain ang hindi ko kaya,” ani Vice.
Umaasa si Vice na sa loob ng taong ito, mapupuksa na rin ang pandemya o ang pagtigil ng novel coronavirus sa bansa.
“The one thing I’m most excited about this year is 'yung katapusan ng pandemic na ito. Kine-claim ko na this year, matatapos itong pandemic na ito. Sayang naman 'yung kagandahan ko, nabubulok lang sa bahay ko. Kailangang makita sa labas. Kailangang makita ito sa studio, kailangang makita ang mukha ko sa mall, sa sinehan, sayang ang kagandahan ko. Hindi ito puwedeng mabulok.
“Kaya kine-claim ko, matatapos itong pandemic na ito itong year na ito. I have been praying for this thing ever since every day. Every day, ipinagdarasal ko ito na magamot lahat ng may karamdaman at eventually, matapos na itong pandemic and that will happen this year. That’s the one thing I’m so excited about,” positibo nitong mensahe.