ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 5, 2023
Habang wala pang TV network na pupuntahan ang mga original hosts ng Eat… Bulaga! na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon ay sa Facebook muna sila magla-live.
Ito ang sabi ni Tito Sen sa panayam sa kanya sa radio station na DWIZ at hindi raw ito mahaharang ng TAPE, Inc. dahil, “Ang may-ari ng Facebook Live ng Eat… Bulaga! is ‘yung mga head writers namin, tao namin. Hindi nakapangalan sa TAPE ‘yun.”
Inamin din ni Tito Sen na may mga nangyayari na ring pananakot sa mga head writers nila.
“Ang alam ko nga, parang tinatakot ng abogado, sinulatan yata kahapon ‘yung isa sa mga head writers, hinihingi ‘yung mga passwords. Again, pati abogado nila ay hindi alam ‘yung istorya.
“Ang ruling ng internet, kung sino ang nakapagrehistro ng e-mail, siya ang may-ari,” katwiran ng eldest sa Sotto siblings.
Target daw talaga ng TVJ na ipagdiwang nila ang 50th anniversary ng EB! sa taong 2029.
“Itutuloy namin ang Eat… Bulaga! in whatever form. Lalo na at nakikita pa namin ‘yung suporta, ‘yung pagtangkilik ng mga kababayan natin,” diin ni Tito Sen.
Nabanggit ni Tito Sen sa panayam sa kanya nina Julius Babao at Tintin Bersola-Babao sa One PH na may alok sa kanila ang TV5, RPN 9 at NET 25 at ang latest ay ang CNN Philippines.
“Nag-text sa akin si Pinky Webb na kung interesado raw kami sa CNN Philippines. Ibibigay daw sa amin ‘yung 12 (tanghali) to 3 (hapon),” pagtatapat ng dating senador.
Sa madaling salita, apat na ang kabuuang bilang ng mga TV networks na nag-aalok sa TVJ at sa iba pang mga Dabarkads na nagbitiw na rin sa TAPE, Inc..
Pero, may pahiwatig na si Joey kung saang network sila lilipat base sa kanyang ipinost sa Instagram na larawan nilang tatlo nina Tito Sen at Bossing Vic na may suot na t-shirt na ang nakalagay ay TVJ.
Ang inilagay pa niyang caption: “Sabi ko noon, we are not signing off, we are just taking a day-off. In other words, pahinga muna. In English, TAKE FIVE!”
So, sa TV5 na nga ba sila mapapanood?