ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 10, 2023
Pangarap pala ng content creator na si Yukii Takahashi na maging artista kaya sinubukan niyang gumawa ng mga dance videos sa TikTok noong kasagsagan ng COVID pandemic.
At hindi naman siya nabigo dahil dito na nga siya napansin at nadiskubre ng Cornerstone Entertainment.
Sa kasalukuyan, may 8.6 M subscribers na nga si Yukii sa kanyang TikTok account at dahil palagi ring viral ang mga videos niya, umabot na sa 42.7 M views ang mga ito.
Simpleng buhay ang kinalakihan ni Yukii bilang pangatlo sa apat na magkakapatid na tumutulong din sa gastusin ng kanilang pamilya.
Filipina ang ina ng dalaga at Japanese naman ang ama nito. Pero nang mag-edad 15 siya ay naghiwalay ang kanyang mga magulang at hanggang sa nawalan na siya ng contact at communication sa kanyang ama.
“Sinubukan ko naman pong hanapin, pero wala po akong way para malaman. Hoping po ako na someday ay magkita kami,” sambit ng dalaga nang makatsikahan namin kamakailan sa Cliff Restobar, Timog Avenue, Quezon City.
Mahusay sumayaw si Yukii at naging bentahe niya ito sa Tiktok habang ang pag-arte ay everyday naman niyang natututunan sa kanyang mga katrabahong artista.
Unang programa ni Yukii ay ang SNL o Sunday Noontime Live at noong taong 2022 lang siya nagsimula sa pag-arte.
Malaking advantage para sa kanya ang pagkakaroon ng milyones na followers sa TikTok,
“I feel like yes, merong benefit from it. May advantage talaga but what was lacking is siyempre, the hard work and the passion to get into that level.
“That's why I appreciate 'yung mga kapanahunan noon kasi they really have the passion and the fire to act and to do what the director says. That's why I'm learning that now. I'm trying to embrace it.”
Pero bago pa man umarte-arte si Yukii sa harap ng kamera ay naka-ilang acting workshops muna siya, pati na rin sa pagsasayaw para mas gumaling pa.
At sa tanong naman sa kanya kung marunong din ba siyang kumanta, ang naaalala
naming sagot niya rito, “Uh, opo,” na sa pakiwari namin ay inaaral pa lang niya ito.
“One of my dreams also is to be versatile. I wanna sing, I wanna dance, I wanna act, I even wanna be a model. I've been training to sing and dance during my break days,” kuwento ng baguhang aktres.
Samantala, malaki ang pagbabago sa buhay ni Yukii nang mapasama siya sa seryeng FPJ’s Batang Quiapo, kung saan ginagampanan niya ang karakter ni Camille na love interest ni McCoy de Leon.
Special guest lang siya sa BQ sa loob ng dalawang linggo at marami na kaagad ang nakakilala sa kanya. Sa lahat nga ng lugar na puntahan niya ay tinatawag siyang Camille, kaya naman natutuwa si Yukii.
At dahil nakitaan sila ni McCoy ng magandang chemistry ay naging regular na rin siya sa BQ, bukod pa sa magandang rekomendasyon ng dating Presidente at Chief Content Officer ng ABS-CBN na si Ms. Charo Santos-Concio na ngayon ay nagsisilbing consultant ng network at the same time ay binalikan nito ang kanyang first love, ang pag-arte sa harap ng kamera.
Magkasama sa Batang Quiapo sina Yukii at Ms. Charo, pero hindi pa sila nagkakaeksena dahil sa 2nd unit daw palaging kinukunan ang mga eksena nila ni McCoy bilang magkaklase.
Nakarating sa amin na pinuri ni Ms. Charo si Yukii at sinabi nitong malayo pa ang
mararating niya sa pangangalaga ng Cornerstone.
Sa pakiwari namin ay ang pagiging simple at talented ang nakita ni Ms. Charo sa dalaga, kung kaya’t nasabi nitong alagaan si Yukii ng kanyang management.
At mabenta nga si Yukii dahil hindi lang siya napapanood sa Batang Quiapo, kundi pati na rin sa Puregold YouTube channel nito para sa kanilang online series na Ang Lalaki sa Likod ng Profile kasama si Wilbert Ross.
Regular din siyang napapanood sa sitcom na Ano’ng Meron kay Abok? sa NET 25 with Empoy Marquez na Cornerstone artist din.
Join din si Yukii sa mga pelikula tulad ng I Love Lizzy, Ang Pangarap Kong Oskars at sa HBO limited series na Call My Manager mula sa direksiyon ni Erik Matti.
Sa mga hosting jobs ay napasama siya sa TV5 videoke game show na Sing Galing, reality talent competition ng KUMU na Top Class: Rise to P-Pop Stardom, at NET25 game show na Tara Game, Agad Agad! kasama si Aga Muhlach.
Nag-iipon nang husto si Yukii dahil pangarap niyang makapagpatayo ng isang derma clinic bilang ito ay patok na negosyo ngayon. Alam din ng baguhang aktres na hindi forever ang showbiz.