ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Dec. 7, 2024
Photo: Julia Montes sa TOPAKK - Instagram
Noong isinu-shoot pa lang ang pelikulang Topakk ay naikuwento na sa amin na si Julia Montes dahil matitindi ang mga eksenang habulan at nadadapa siya kaya natusok ng pako ang tuhod niya.
Ang bidang si Arjo Atayde ay nasugatan din at dumugo ang kamay na tila wala lang sa kanya.
Kami bilang nakuwentuhan ay nag-aalala rin dahil siyempre, hindi namin alam kung ano ba talaga ang nangyari lalo’t parehong malapit sa amin sina Arjo at Julia.
Panic mode kami kahit wala naman kami sa set, “Okay naman na, may medics, nabigyan naman ng lunas,” sabi sa amin.
Matitindi raw kasi ang mga eksenang barilan, may mga sumasabog pa, kaya walang patid na barilan at takbuhan at nakita naman iyon sa full trailer ng Topakk na idinirek ni Richard Somes for Nathan Studios, Inc. at entry sa 50th Metro Manila Film Festival na mapapanood simula sa December 25.
Nang malaman naming si Richard Somes ang direktor ng Topakk ay alam na naming matitinding aksiyon ito at sabi nga namin ay manalangin ka na hindi ka maaksidente o masugatan dahil iba ang istilo nitong director.
Nang makausap namin si Julia pagkatapos ng mediacon ay dito na niya naibahagi ang experience niya sa Topakk.
“Actually, more than fears, mas excited ako kasi maganda ‘yung kuwento, ‘yung film, ‘yung purpose and advocacy ng film and siyempre, excited ako to work with Arjo.
“‘Yung na-experience naman na nasaktan, hindi na namin na-feel ‘yun kasi nasa moment na kami ng eksena. Sa action, napansin namin, hindi ka puwedeng naka-steady lang or lutang ka. Magkamali ka lang ng move, mamamali mo rin ‘yung co-actor mo,” kuwento ni Julia.
At dito nabanggit ng aktres na napako na siya.
“Kasi ‘yung eksena na ‘yun, nagko-confrontation na ‘yung mga characters. ‘Yun ‘yung first meet-up namin ni Arjo, so medyo intense na ‘yung mga bagay-bagay.
“Eh, nahiya naman akong i-cut (ang eksena) para sabihin na ‘Teka lang, napako ako!’, so, ang ginawa ko, dahil intense ‘yung eksena, wala sa akin ‘yung camera, doon ko hinugot ‘yung pako,” aniya.
Hindi naman naiwasang tanungin kay Julia kung ano ang naging reaksiyon ni Coco Martin sa nangyari sa kanya sa Topakk.
Natawa si Julia, “‘Yung original manager ko (Coco), proud, ha? Siyempre, proud s’ya sa ‘kin kasi s’ya naman talaga ‘yung nagturo kung paano gumalaw or hindi lang gumalaw, kundi kung paano umiwas, pero siyempre, hindi naman maiiwasan kung nandu’n ka na at ‘yung mga safety tips ang itinuro n’ya na nagamit naming lahat.
“Siyempre, ‘pag may baril, automatic ‘yan, mag-iingat kasi may mga sparks na lalabas d’yan. ‘Pag action, ‘wag masyadong in the zone. Kasi kaming mga artista, ‘pag nag-e-enjoy kami, gusto namin, kami na ang gagawa para kuha na ‘yung shot. Ganu’n namin kamahal ‘yung trabaho. Minsan, nakakalimutan namin na teka lang, are we ready or equipped to jump, kasi hindi natin maiiwasan ‘yung accident. Ang sarap n’yang katrabaho, kasi titingin ka lang, sasabay ka na, eh. Doon ko sinasabi na masarap gawin ‘yung eksena kung ganito kagaling ‘yung katrabaho mo.”
Dagdag pa, “Kung may isang project akong gusto ko pang gawin ay ito (Topakk) at kahit paulit-ulit ko pang gawin, kahit abutin pa ng 2, 3, 4, or 5 (sequel or prequel).”
Naisip din namin na sana, magkaroon ng part 2, pero paano? Dahil kung may sequel ito, bagong cast na, kasi nawala na ‘yung karamihang kasama sa pelikula at kung may prequel naman, wala naman si Julia. Kaya malamang, may bagong journey sina Arjo at Julia siguro.
Anyway, iisa ang kuwento ng mga vloggers at influencers na nakapanood na ng Topakk bago ang mediacon nu'ng Disyembre 4 na matitindi raw ang mga eksena nito at parang hinahabol ang hininga mo dahil sunud-sunod na putukan at patayan ang mapapanood.
Ang sabi ng mga nakausap namin, “Arjo for Best Actor and Julia for Best Actress.”
Pinuri rin ang editing kaya posibleng Best Editing.
Pero ang narinig namin kay Sylvia ay gusto rin niyang manalo ng Best Float kaya lagi niyang binibiro si Bryan Diamante na producer ng Uninvited na siya ang mananalo sa nasabing kategorya.
Posible kayang magkaroon ng tie sa Best Float?
Bukod kina Arjo at Julia ay kasama rin sina Sid Lucero, Kokoy de Santos, Levy Ignacio, Bernard Palanca, Paolo Paraiso, Vin Abrenica, Cholo Barretto, Julio De Leon, Ivan Carapiet, Jeffrey Tam, Gerard Acao, Michael Roy, Maureen Mauricio, Elora Espano, Claire Ruiz, Anne Feo, Bong Cabrera, Manu Respall, Rosh Barman, Victor Medina, Ivan Rivera, Ian Lee, Nico Dans, Yian Gabriel, Raquel Pareno, Precious Laingo, Kayley Carrigan, Geli Bulaong at Enchong Dee.