ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Nov. 21, 2024
Photo: Maymay Entrata - Instagram
“Be Our Guest,” ito ang imbitasyon at titulo ng show ng RMA Studio Academy sa kanilang annual concert ng celebrity vocal coach/producer/CEO na si Jade Riccio sa December 1 sa Podium Hall.
Matunog ang pangalan ni Ms. Riccio dahil siya lang naman ang naging voice coach ni Maymay Entrata sa awitin nitong Amakabogera na nakatanggap ng Novelty Song of the Year at Viral Tiktok Video of the Year.
Kuwento ni Jade ay inabot sila ng pitong oras ni Maymay para sa recording ng Amakabogera sa ABS-CBN na tanda niya ay muntik nang sumuko ang singer-actress dahil hindi niya ma-perfect ang recording ng awitin.
Pero kuwento ni Jade, nu’ng una ay hindi raw confident si Maymay na nakakakanta siya at talented siya, pero pinursige ito ng una at sinabihan ang PBB Lucky 7 Grand Winner na "Hardwork is always a talent," at ito ang natanim sa utak ng aktres.
Inabot daw ng tatlong linggo bago natapos ang recording ng Amakabogera, “And the rest is history and now she’s one of my investors here in RMA Studio Academy.”
Pawang kilala ang mga estudyante ni Jade tulad ni Atasha Muhlach na kamakailan ay guest ni Arthur Nery sa concert nito sa Araneta Coliseum, kung saan nag-duet sila ng Ako’y Sa 'Yo Ika’y Akin (ASIA) at nag-viral ang video ng dalawa na umabot sa milyong views.
Ang unang celebrity student daw ni Jade ay ang anak ni Ina Raymundo na si Erika Raymundo na nagsimula noong pandemic season kaya home service siya.
Tsinek namin ang video na kumakanta si Erika, biritera ang datingan at maganda ang version niya ng American Boy na originally sung by Estelle.
At that time raw ay brokenhearted si Erika (ex-GF ni Kobe Paras) at sinabi ni Jade na gumawa sila ng kanta at nakabuo naman sila na ang titulo ay Stand Up at kinanta nila
ito sa ASAP.
“That was the first time Maymay saw me and when Erika said that I am her (voice) coach, nakita ko, sabi niya, 'Ha, coach? Mag-uusap tayo mamaya. Madam, magte-text ako, Ma’am, bigay mo sa ‘kin (ang number mo).'
“Du’n nag-start ‘yung Amakabogera and people saw the improvement of Maymay, then sumikat ‘yung kanta. Pero pareho kaming pressured nu’ng una kasi Maymay ‘yan, eh. What if I make destroy her voice or I make her sound not like her, yari ako. Baka sabihin nila, 'Ano ba namang klaseng voice coach ‘yan?'” kuwento ni Jade.
Bukod kina Erika at Maymay ay marami pang sumunod na celebrities na nagpaturo sa kanya at ang pinaka-bunso niyang estudyante ay ang nag-iisang anak na babae ni Quezon City Vice-Mayor Gian Sotto na si Amari.
Samantala, first love ni Jade ang singing dahil ito naman talaga ang tinapos niya, classical music sa loob ng walong taon, pero pangarap din niyang umarte sa harap ng kamera.
Matagal na niya itong nabanggit sa manager niyang si Girlie ‘GR’ Rodis na manager din nina Rachel Alejandro, Cris Villonco, Celeste Legaspi at iba pang mang-aawit.
At ang pangarap niyang makapareha ay ang nag-iisang Piolo Pascual. Tinanong namin kung type niyang mag-voice coach sa actor, “Of course, tanungin ninyo s’ya kung gusto n’ya.”
Pero nagagandahan na si Jade sa boses ni Piolo, kontrolado raw.
Anyway, sa titulong Be Our Guest, titipunin ng konsiyerto na ito ang mga mag-aaral, pamilya, celebrities, at iba pang A-listers na bisita ng RMA Studio Academy na masasaksihan ang sari-saring galing sa musika at pagtatanghal ng mga estudyante ng RMA sa isang grand concert event.
Bukod kina Maymay at Erika ay kasama rin sa show sina Atasha, Zia Dantes, Scarlet Belo, Max Collins, Olivia Manzano, Rhian Ramos, John Arcenas, Pepe Herrera, Shanaia Gomez, Caitlyn Stave, Ondrea Sotto, Amari Sotto, Denise Laurel, Vivoree, Brigiding Aricheta, Michelle Garcia, Maria Chantal, Sabine Cerrado, Solenn Heussaff, at Ina Raymundo.