ni Thea Janica Teh | November 6, 2020
Tinatayang nasa P6.5 milyong halaga ng shabu ang nasabat nitong Huwebes sa 46-anyos na Nigerian matapos ang buy-bust operation ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Las Piñas City.
Kinilala ang suspek na si Kingsley Iwumune na tatlong taon nang naninirahan sa Pilipinas. Kuwento ng mga pulis, nakipagkita ito sa isa sa kanilang mga tauhan sa Gatchalian Avenue at nag-alok ng kalahating kilo ng shabu.
Nagtangka pa itong tumakas kaya nabangga pa ang minamanehong sasakyan sa police mobile. Nakuha sa kanya ang 2 plastic pack ng 1 kilo ng shabu. Ayon kay Police Lt. Col. Enrico Rigor, hepe ng PNP-DEG Legal and Investigation Divison, miyembro umano ang suspek ng isang Nigerian drug syndicate.
Bukod pa rito, sinabi ni Police Maj. Mark Julio Abong na nakulong na umano si Iwumune dahil sa droga sa Caloocan at nakalaya noong 2018.
Napag-alamang siya rin ang bagsakan ng droga ng mga tulak sa Las Piñas at Southern Luzon. Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang Nigerian at inaalam kung saan ito kumukuha ng shabu.