top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 24, 2023




Todas ang 51-anyos na lalaki noong Lunes matapos mawalan ng malay at magsuka sa harap ng isang diagnostic center sa Alabang Zapote Road, Lungsod ng Las Piñas.


Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabi na bumaba mula sa jeepney papuntang Alabang ang lalaki na kinilalang "Henry", nang biglang mawalan ng malay.


Nagmadali ang guwardiyang nakasaksi sa insidente upang tulungan ang biktima at dinala ito sa ospital kung saan ito ay idineklarang dead-on-arrival.


Samantala, ayon kay Police Colonel Jaime Santos, Chief ng Las Piñas police, natagpuan ng mga doktor ang mga pakete ng hinihinalang shabu na nakatapal sa ilang campaign leaflets mula sa kagamitan ng lalaki.


Kinumpiska ng PNP ang 5 leaflets na naglalaman ng tig-iisang pakete ng shabu. Ang leaflet ay para sa isang kandidato na tumatakbo bilang kagawad sa Brgy. Molino 6, Lungsod ng Bacoor, Cavite.


Natuklasan din ng pulisya na dating barangay tanod sa Brgy. Molino 6 ang lalaki, mula 2013 hanggang 2016. Nasibak siya sa puwesto dahil sa kanyang umano'y pagkakaugnay sa droga noong panahong iyon.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 22, 2023




Kulong ang itinuturing na bigtime pusher matapos mahulihan ng P15 milyong shabu sa Bgy. Ilayang Iyam, Lucena City, Quezon, kahapon.


Sa report ni Police Regional Office 4-A chief Police Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas, base sa impormasyon mula kay Quezon police director Police Col. Ledon Monte, natukoy ang suspek na si "Eric", 40, tricycle driver, residente sa Bgy. Ilayang Iyam.


Nahuli si "Eric", matapos niyang magbenta ng shabu sa isang undercover na pulis sa Zoleta St., Jael Subdivision.


Nakumpiska ang 750 gramo ng shabu na nagkakahalagang P15.3 milyon.


Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek sa Lucena at haharap sa mga kaso kaugnay ng droga.


Pinuri ni Lucas ang mga pulis ng Quezon sa pag-aresto kay Eric at inutos na palawakin ng mga pulis ng Lucena ang kanilang imbestigasyon at mangolekta ng impormasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga kontrabando.

 
 
  • BULGAR
  • Mar 14, 2023

ni Gina Pleñago | March 14, 2023




Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang Malagasy national matapos umanong makuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,800,000 sa kanyang bagahe sa NAIA.


Base sa report, dumaan sa X-ray machine ang bagahe ng naturang pasahero na hindi binanggit ang pangalan kung saan napansin ang kakaibang imahe sa monitor.


Agad na isinailalim sa pagsusuri ng Customs examiners ang naturang bagahe kung saan nadiskubre sa pinakailalim nito ang nakasingit na umano’y droga.


Dumating sa airport ang dayuhan sakay ng Ethiopian Airlines flight ET644 mula Hong Kong at ang kanyang pinanggalingan o port of origin ay sa Madagascar, East Africa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page