top of page
Search

ni Madel Moratillo | March 19, 2023




Isinusulong sa Kamara ang panukala para sa P1 milyong cash gift sa mga Pinoy senior citizens sa kanilang ika-101 kaarawan.

Ang panukala ay aprubado na ng Special Committee on Senior Citizens ng Kamara.

Sa ilalim ng House Bill 7535, bukod sa P1 milyong cash gift, tatanggap sila ng liham mula sa Pangulo ng Pilipinas.

Ito ay 10 beses na mas malaki sa 100 libong pisong cash incentives ma nakasaad sa Centenarians Act of 2016 na ibinibigay sa mga Pinoy na umabot sa ika-100 taong gulang.

Nakasaad pa sa panukala, na kapag sumapit na sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay tatanggap sila ng liham mula sa Pangulo at cash gift na 25 libong piso.

Umaasa ang komite na sa pamamagitan nito ay mae-enjoy naman ng mga nonagenarians at octogenarians ang benepisyong cash gift habang malakas pa sila.

Ang hakbang na ito sa Kamara ay sa gitna ng ulat na noong nakaraang taon, nasa 700 centenarian ang naghihintay pa ng kanilang cash gifts.


 
 

by Info - @Brand Zone | October 28, 2022



Muling ginarantiyahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may benepisyong makakamtan sa panahon ng pagpapa-ospital at maging sa paggamit ng primary care services sa buong bansa.


Ito ay tiniyak ng PhilHealth sa pagtatapos ng paggunita sa mga nakatatandang Filipino ngayong buwan kung saan naging bahagi ng selebrasyon ang pirmahan ng isang kasunduan sa pagitan ng PhilHealth at National Commission of Senior Citizen. Ito ay para mas mapagbuti ang membership database system, mapalawak pa ang mga benepisyo at mapabuti ng serbisyo para sa 13.8 milyong nakatatanda at dependents nila sa ilalim ng Lifetime at Senior Citizens Program ng PhilHealth.


Pinaalalahanan din ng Ahensya na ang lahat ng nakatatanda ay maaaring makagamit ng ilang outpatient benefits, Z Benefit Packages at ng Konsulta o Konsultasyong Sulit at Tama Package kung saan sila ay prayoridad.


Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang targeted health risk screening at assessment, initial at follow-up consultations, mga piling laboratory test at gamot batay sa rekomendasyon ng primary care provider na pinili nila at kung saan sila nakarehistro.

Kabilang sa mga laboratoryo ay complete blood count with platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, Pap smear, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, electrocardiogram, creatinine at HbA1c.

Samantala, kasama rin sa Konsulta Package ang mga gamot na anti-microbial, anti-asthma, antipyretics, anti-dyslipidemia, anti-diabetic, at anti-hypertensive, anti-thrombotic, anti-histamines, at fluids at electrolytes para sa dehydration.



 


Benepisyong handog ng PhilHealth!

Protektahan natin ang kalusugan ng bawat Filipino.


Para sa detalye: Maaaring bisitahin ang official website ng PhilHealth sa www.philhealth.gov.ph. CALLBACK CHANNEL: 0917-8987442 (I-text ang "PHIC callback <space> mobile number o Metro Manila landline ninyo <space> tanong o concern" at kami ang tatawag sa inyo.)


 
 

ni Lolet Abania | May 2, 2022



Magkakaloob ang lokal na gobyerno ng Quezon City ng P500 monthly assistance sa mga kuwalipikadong indigent senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) para sa isang taon.


Kamakailan, inaprubahan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-3115, S-2022, na layong makatulong na mapagaan ang epekto ng COVID-19 pandemic at ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin para sa pinakamahihina o vulnerable na sektor ng lipunan.


Ayon sa city government, sakop ng ordinance ang mga indigent senior citizens, solo parents, at PWDs na hindi pa nabebenepisyuhan mula sa anumang iba pang regular na financial assistance ng gobyerno gaya ng social pension o ang cash transfer program.


“Malaki ang maitutulong nito para sa kanilang araw-araw na gastusin sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan,” ani Belmonte.


Isang benepisyaryo lamang kada pamilya ang maaaring maka-avail ng financial assistance, ayon pa sa lokal na pamahalaan.


Maibibigay naman ang cash aid, kasunod ng pag-apruba ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa ordinance.


Ang mga target beneficiaries ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon sa Office for the Senior Citizens Affairs (OSCA), Persons with Disability Office (PDAO), o sa Social Services and Development Department (SSDD) para sa mga indigent solo parents.


Kapag ang aplikante ay nakapasa sa initial review ng OSCA, PDAO, o SSDD, ang SSDD field unit ay magsasagawa naman ng isang case study para maberipika ang kanilang eligibility sa programa.


Ang mga applicants na nakapasa naman sa case study ay irerehistro na bilang benepisyaryo ng programa at makatatanggap ng cash aid via direct payment, electronic o digital, o cash card.


Matapos ang 12 buwan, ang OSCA, PDAO o SSDD ay magsasagawa ng re-evaluation upang madetermina kung ang mga benepisyaryo ay nananatiling eligible para sa programa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page