top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 30, 2023




Sa sandaling lumusot sa House of Representatives ang panukala ni Manila Congressman Benny Abante, Jr., 'di na kailangan ang senior citizens ay umabot pa ng 101 taon dahil sa edad na 70-anyos pa lamang ay tatanggap na sila ng cash reward mula sa gobyerno.


Sa kanyang pagdalo sa ‘Balitaan sa Harbor View’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) bilang solo guest, sinabi ni Abante na sa kanyang panukala ay ibinaba niya ang edad ng senior citizen na mapapabilang sa tatanggap ng cash reward at ito ay magsisimula sa edad na 70.


Ang halaga ng tatanggaping cash reward ay depende kung ilang taon na ang senior citizen.


Kapag ang senior ay umabot ng 70-anyos siya ay tatanggap ng P70K, 80-anyos P80K, 90-anyos P90K at kapag 101-taon at tumataginting na P1M.


“Dapat ibigay na natin ‘yung regalo sa mga senior citizens at 'di na kailangan pang umabot sila sa 100 years old,” giit pa niya.


Para mapabilang sa qualified na seniors na tatanggap ng cash reward, inihayag ni Abante na kailangan lang ipakita ng senior citizen ang ID card na mula sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), ang tanging tanggapan na sa ilalim ng batas ay awtorisadong mag-issue ng identification cards sa kanilang nasasakupan.



 
 

ni BRT @News | September 1, 2023




Opisyal nang nagsimula ang Taguig LGU sa pamamahagi ng birthday cash gift sa 271 senior citizens sa 10 barangay ng Embo.


Tatanggap ang mga senior ng cash gift na mula P3,000 hanggang P10,000 depende sa kanilang edad.


Bibigyan ng P3K ang mga edad 60 hanggang 69; P4K sa edad 70-79; P5K sa 80-89, at P10,000 para sa mga may edad na 90-99. Kapag umabot na ng edad na 100, bibigyan sila ng P100,000 at patuloy nilang tatanggapin ang parehong halaga taun-taon hanggang sila ay nabubuhay.


Si Mayor Lani Cayetano mismo ang nag-abot ng cash gift sa mga senior citizen na naroroon sa kickoff ceremony sa Bgy. Pembo. Ang iba naman ay tumanggap ng kanilang cash gift sa kanilang mga tahanan na dinala mismo ng mga barangay workers ng Taguig.


Bagama't nahirapan umano ang lungsod sa pagkuha ng database ng mga senior citizen, nagawang matukoy ang unang listahan ng senior citizen sa tulong ng mga lider ng komunidad.


Ito ay na-verify gamit ang listahan ng mga benepisyaryo ng social pension mula sa nasabing barangay.


Nagbukas din ng isang one-stop shop volunteer center sa Sampaguita St. sa Bgy. Pembo kung saan ang mga hindi kasama sa unang listahan ng benepisyaryo ay maaaring pumunta para mailista at ma-verify para sa kanilang birthday cash gift.



 
 

ni Mylene Alfonso | April 12, 2023




Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas sa mahigit P42.9 bilyong pondo para sa one-year health insurance premiums ng 8.5 milyong senior citizens sa buong bansa.


Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ito ay pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na tiyaking ang mga matatanda ay nabibigyan ng kaukulang suporta at pangangailangan.


Nilagdaan ni Pangandaman ang kabuuang P42,931,355,000 Special Allotment Release Order (SARO) at ang kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) nito noong Abril 4, 2023.


Nabatid na may kabuuang 8,586,271 milyong senior citizens ang inaasahang makikinabang sa alokasyon, ayon sa DBM.


Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), nasa mahigit P79 milyon ang inilalaan upang masakop ang pagbabayad ng mga premium ng health insurance ng mga hindi direktang nag-aambag, kabilang ang mga nakatatanda.


Alinsunod sa Republic Act No. 10645, o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010, lahat ng senior citizen ay sakop ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page