ni Lolet Abania | August 29, 2021
Inihalal si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III bilang chairman ng partido ng PDP-Laban at pinalitan niya si Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang posisyon ngayong Linggo.
Sa isang text message ng executive director ng partido na si Ron Munsayac, sinabi nitong ang “original” PDP-Laban ay nag-elect ng mga bagong party members matapos na ma-convene ang kanilang national council ngayong Linggo nang hapon.
“The PDP LABAN National Council elected Sen. Koko Pimentel as its Chairman & former Gov. Lutgardo Barbo as Vice-Chairman,” ani Munsayac sa kanyang text message sa media.
Matatandaang noong Hulyo, pinatalsik naman ng grupo ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi si Sen. Manny Pacquiao bilang PDP-Laban president at pinalitan nga niya sa posisyon ang senador.
Ang paksiyon ni Pacquiao ay kasalukuyang may hidwaan sa grupo na pinangungunahan ni Cusi.
Habang isinusulat ito, wala pang pahayag o inilabas na komento ang grupo ni Cusi kaugnay sa pagkakahalal kay Sen. Pimentel bilang chairman ng PDP-Laban.