ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 21, 2020
Pagsasagawa ng imbestigasyon ng labor inspectors ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang naging panawagan ni Senator Joel Villanueva matapos ang aksidente sa konstruksiyon ng Skyway project ngayong Sabado nang umaga kung saan isang steel girder ang bumagsak sa ilang sasakyan sa East Service Road, Barangay Cupang, Muntinlupa City na ikinasawi ng isa at 4 ang sugatan.
Saad ni Villanueva, “Isa po sa peligrosong lugar-paggawa ang mga construction site, kaya po mahigpit ang pagpapatupad ng mga safety measures upang siguraduhin na walang aksidente na mangyayari at bawasan ang mga risk factors dahil ito ay maaaring maging mapaminsala.”
Aniya pa, “Ang mga manggagawa po natin ang unang napapahamak tuwing may aksidente sa lugar-paggawa kaya mahigpit po ang pagpapatupad natin ng occupational safety and health standards (OSHS).
“Ang agarang imbestigasyon ng ating labor inspectors ay kinakailangan po upang matukoy ang sanhi at makapagbigay ng solusyon sa problema para siguraduhing hindi na mauulit ito.”
Sa ilalim ng OSHS Law o Republic Act No. 11058, nakasaad na kinakailangang magsagawa ng inspeksiyon ang DOLE sa mga workplaces upang masiguro ang kaligtasan ng mga manggagawa. Ang mga kumpanyang lalabag sa OSHS Law ay maaaring magmulta ng P100,000.