top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 10, 2021




Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ipinadalang text message na matutuloy sa Lunes ang ‘Talk to the People Address’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos mabahala ang ilang mamamayan sa kalusugan niya dahil sa hindi pagpapakita nitong mga nakaraang araw at mga na-postpone niyang public address.


“Monday,” iyan ang reply ni Roque bilang kumpirmasyon sa muling appearance ng Pangulo sa publiko.


Pinatotohanan naman ng video at mga larawan na in-upload ni Senator Bong Go ang aktibong pagdya-jogging ng Pangulo, taliwas sa mga espekulasyong mahina na siya dahil umano sa sakit na Barrett’s esophagus.


Ipinaliwanag din ng Palasyo na nag-iingat lamang ang Pangulo, matapos magpositibo sa COVID-19 ang mahigit 120 na miyembro ng Presidential Security Group (PSG).


Sa ngayon ay kumpirmadong nagpositibo muli sa COVID-19 si Spokesperson Harry Roque at kasalukuyang naka-admit sa Philippine General Hospital (PGH). Gayunman, tiniyak niyang siya pa rin ang mag-aanunsiyo ng bagong quarantine classification sa NCR Plus Bubble, katuwang ang Inter-Agency Task Force (IATF).


"I am now admitted in a hospital for Covid treatment. This is to say that COVID-19 is more transmissible now so we have to do extra precaution," sabi pa ni Roque.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 7, 2021




Pinalagan ni Senator Nancy Binay ang ribbon-cutting ceremony sa binuksang Quezon Institute Offsite Modular Hospital na pinangunahan nina Senator Bong Go, Department of Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa Quezon City kahapon, Abril 6.


Komento ni Binay, "Pakiusap, kung puwedeng buksan na lang para magamit agad. Sayang lang ang oras sa ribbon-cutting at photo ops. These things are unnecessary and leave a bad taste for families of Covid patients who are racing against life and time.”


Binuksan ang bagong pasilidad bilang extension ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyenteng naa-admit sa ospital dulot ng COVID-19.


Sa ngayon, tinatayang 110 na pasyente ang kayang i-accommodate ng modular hospital mula sa referral ng One Hospital Command at hindi muna umano tatanggap ng mga walk-in patients.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 28, 2021




Kinausap na ni Senator Lawrence Bong Go ang gabinete upang magkaroon ng expanded Social Amelioration Program (SAP) habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR Plus Bubble.


Sa kanyang privilege speech bilang Chairman of the Committee on Health ng Senado, aniya, “Nakausap ko po kahapon si Secretary Dominguez. Hindi ko po tinitigilan pati si Secretary Avisado. Sabi ko, maghanap kayo ng pagkukunan, kung maaari, walisin n’yo kung ano ang puwedeng walisin.”


Umapela umano siya ng dagdag na ayuda kina Pangulong Rodrigo Duterte, Finance Secretary Carlos Dominguez, Budget Secretary Wendel Avisado at iba pang kaugnay na ahensiya ng gobyerno bilang pag-aalala sa mga maaapektuhang kabuhayan sa ilalim ng ECQ.


Dagdag pa niya, “Alam n’yo sa ayuda na ‘yan, alam na po ng DSWD ang kanilang trabaho. Wala na akong nakikitang rason na magkakandarapa sila sa distribusyon.” “Wala pong pulitika rito, ‘wag n’yong haluan ng pulitika. Marami na pong nasususpinde na mga kapitan na nagsasamantala,” paliwanag pa niya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page