top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 13, 2022



Kasabay ng napipintong pagkahalal ng nangunguna sa bilangan sa pagka-senador na si Robin Padilla, kinuha nito si Atty. Salvador Panelo na maging legislative assistant, adviser, at mentor sa oras na maupo na ang aktor-pulitiko sa Senado.


Sa Facebook post ni Padilla, aminado itong hindi magiging madali ang pagpapalit ng Saligang Batas kaya kailangan umano niya ng pambato sa usapin ng batas.


Pahayag ni Padilla, "Bismillah. Kailangan ko ng pambato sa usapin ng batas pagdating sa senado. Ang pagpapalit ng saligang batas ay hindi magiging madali sapagkat ang babanggain nito ay ang kasalukuyang naghaharing mga oligarko nakakubli sa 1987 constitution. Hindi man kami nagtagumpay ni idol Salvador Panelo na maging magkasama sa senado, isa lang ang sinigurado namin dalawa: Walang mababago sa aming adhikaing pagbabago. Walang makakapigil sa rebolusyon”.


Karugtong ng naturang post ay, “Si SALVADOR PANELO ang aking legislative consultant, adviser at mentor. Walang tatalo kay sal panalo panelo! Mabuhay ang parliamentaryo. Mabuhay ang Federalismo. Mabuhay ang PDP laban. Mabuhay ang Pilipino. Mabuhay ang inangbayan Pilipinas".


Agad namang tumugon si Panelo sa naturang Facebook post ni Padilla at nagpahayag ng pagtanggap sa alok ng mauupong senador na maging katuwang nito sa pagsusulong ng mga adhikain at iba pang plataporma sa Senado.


Ani Panelo sa kanyang FB comment, “Maraming salamat Sen. Robin Padilla! Isang karangalan na patuloy na maglingkod sa bayan bilang katuwang mo na pinagkatiwalaan ng 26 milyong Pilipino! Makaasa ka na ibubuhos ko ang aking sarili para tulungan kang palitan ang Saligang Batas para wakasan na ang bulok na sistema na bumibilanggo sa ating bansa."


“Marami ding salamat sa pangako mo na pagsulong sa mga panukalang batas para sa children with special needs/ disabilities. Dahil dyan ay parang nanalo na din ako!” pagtatapos ni Panelo.


Samantala, nauna nang nabanggit ni Binoe sa mga naging panayam sa kanya na isa sa mga platapormang nais nitong isulong kapag ganap nang senador ay ang Federalismo.


 
 

ni Lolet Abania | September 29, 2021



Opisyal nang idineklara ni Senador Manny Pacquiao ang pagreretiro nito sa boksing. “To the greatest fans and the greatest sport in the world, thank you! Thank you for all the wonderful memories,” ani ng eight-division world champion sa kanyang post sa Twitter ngayong Miyerkules.


“This is the hardest decision I’ve ever made, but I’m at peace with it. Chase your dreams, work hard, and watch what happens. Goodbye boxing,” sabi pa ng 42-anyos na si Pacquiao. Tumagal ng 26 taon sa boksing si Pacquiao, kung saan nakapagtala ng record na 62-8-2 (has a win-draw-loss).


Sa 62 panalo, 39 dito ay nakamit niya via knockout. Ang huling nakalaban ni Pacquiao ay si Yordenis Ugas ng Cuba nitong Agosto, subalit natalo siya rito.


Una nang binanggit ng Pambansang Kamao na pinag-iisipan niya kung ipagpapatuloy pa niya ang pagboboksing o tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 national elections.


Kabilang sa mga tinalo ni Pacquiao ay mga tanyag na boxing legends gaya nina Juan Manuel Marquez, Marco Antonio Barrera, Erik Morales, Antonio Margarito at Oscar DeLa Hoya.

 
 

ni Lolet Abania | February 27, 2021




Ganap nang batas ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 matapos na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maipatupad ang vaccination rollout laban sa COVID-19, ayon kay Senator Bong Go.


Nakapaloob sa batas ang P500-million indemnity fund na ilalaan para sa mga indibidwal na makararanas ng masamang epekto matapos na mabakunahan ng COVID-19 vaccine.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, agad nang maisasagawa ang pagbabakuna kontra-coronavirus dahil dito.


"We are confident that the signing of this landmark piece of legislation would expedite the procurement and administration of vaccines for the protection against COVID-19," ani Roque.


"Indeed, we remain committed in our fight against the coronavirus pandemic and we are using necessary means, such as the enactment of this Republic Act, certified urgent by the President, as a way to start our vaccine rollout," dagdag ng kalihim.


Sa ilalim ng batas, ang Department of Health (DOH) at ang National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang otorisado na magsagawa ng negosasyon sa pagkuha ng COVID-19 vaccines kabilang na ang mga ancillary supplies at services para sa storage, transport at distribusyon ng bakuna.


Ang indemnity fund ay gagamitin para sa kompensasyon ng mga indibidwal na makararanas ng adverse effects matapos maturukan ng COVID-19 vaccine.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page