ni Lolet Abania | May 6, 2021
Umabot na sa kabuuang 190 empleyado ng Senado ang nabakunahan kontra-COVID-19, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
“Two hundred muna nu’ng isang araw, 190 lang ang na-vaccinate sapagkat ‘yung 10 ay masyadong matataas ang [blood pressure] at ayaw ng mga doctor na i-vaccinate sila. They will have to come back for another day, ‘yung medyo relaxed na sila,” ani Sotto sa isang online press conference ngayong Huwebes.
Kinumpirma rin niyang ang mga empleyado ng Senate ay naturukan ng China-made na Sinovac COVID-19 vaccines noong Biyernes. Nabibilang sila sa mga nasa A2 at A3 categories.
Gayundin, sinabi ni Sotto, isa pang batch ng mga Senate workers ang matuturukan naman ng Russia-made na Sputnik V COVID-19 vaccine.
Matatandaang binanggit ni Sotto na humingi ang Senado ng mga COVID-19 vaccines para sa kanilang mga health staff workers at empleyado. Kinumpirma rin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hiniling ng Senado na makakuha ng 5,000 doses ng Gamaleya Institute na Sputnik V vaccine para sa kanilang 2,500 staff members.
Ayon pa kay Zubiri, inaasahan nilang mababakunahan ang mga Senate employees bago sila bumalik sa sessions sa Mayo 17.