ni Jasmin Joy Evangelista | October 7, 2021
Dahil sa tinatawag na distributed denial of service attack (DDoS), pansamantalang hindi na-access ang website ng Senado nitong Miyerkules.
Ayon sa pahayag ng Public Relations and Information Bureau ng Senado, “A DDoS attack is an attempt to make an online service or website unavailable by overwhelming it with Internet traffic from multiple sources.”
Dahil dito, isinara muna ng IT department ng Senado ang website dahil sa DDoS attack na napuna nila bago magtanghali.
Nanggaling daw sa iba’t ibang bansa ang DDoS internet traffic at ayon sa kanilang pagsusuri, mayroong mga fake accounts o spoofed ang mga IP address.
Ganito rin daw ang bumiktima sa website ni Senator Richard Gordon noong Lunes.
Kasalukuyang nagpapatutsadahan sina Pangulong Duterte at Senator Gordon dahil sa isyu ng pag-iimbestiga ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga umano'y maanomalyang transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corp. sa gobyerno sa kabila ng pandemya.