top of page
Search

ni Mylene Alfonso | June 1, 2023




Upang maunawaan ng pangkaraniwang Pilipino ang panukalang Maharlika Investment Fund Act, isinusulong ni Sen. Robinhood 'Robin' C. Padilla ang pagsalin sa Filipino ng panukalang batas at ang kaugnay nitong dokumento.


Ginawa ni Padilla ang pahayag na nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na dokumento ng pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagmungkahi ng pag-amyenda sa Maharlika bill sa Senado, Miyerkules ng madaling-araw.


Tinanggap ito ni Sen. Mark Villar, ang sponsor ng Maharlika bill.


"Magmula kaninang umaga, marami na po tayong kababayang nand'yan sa labas at sila nagpoprotesta at sa kanila pong sinasabi hindi nila naintindihan ang atin pong panukala na Maharlika bill. Kanina din pong tanghali meron tayong bisitang barangay captain.


Nang sinabi po natin sa kanila tungkol sa Maharlika bill na ito, ating panukala, sila po ay (nagsabi), 'di namin naintindihan 'yan," paliwanag ni Padilla.


Ipinunto rin ni Padilla na sa Sec. 6, Art. XVI ng 1987 Constitution, ang pamahalaan ay gagawa ng hakbang para gamitin ang Filipino bilang "medium of official communication and as language of instruction in the educational system".


Unang tinanggap ni Villar ang panukala ni Padilla sa seksyon tungkol sa right to freedom of information of the public: "All documents of the MIF (Maharlika Investment Fund) and MIC (Maharlika Investment Corp.) shall be open, available and accessible to the public in both English and Filipino".


Isa pang panukala ni Padilla na tinanggap ni Villar ay sa "Effectivity" kung saan ang pagsalin ng batas sa Filipino ay ilalathala sa Official Gazette o sa dyaryong may general circulation sa Pilipinas.


 
 

ni Mylene Alfonso | April 19, 2023




Muling binuhay ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang panawagan na ipasa ang Senate Bill 147 o ang Dissolution of Marriage Act.


Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality, kailangan ang batas na ito ng mga kababaihang biktima at nakaligtas sa pang-aabuso sa tahanan.


“Bigyan na natin ang ating mga kababaihan ng pagkakataong makalaya sa masalimuot at abusadong pagsasama. Bigyan natin sila ng oportunidad na mahalin at magmahal muli. Ipasa na ang Divorce Bill,” ani Hontiveros, na siya ring may-akda ng panukala.


Batay sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippines Statistics Authority, isa sa apat na babaeng 15 hanggang 49 taong gulang na may asawa, ay nakaranas ng karahasan sa kanila mismong mga asawa, pisikal man, sekswal, o emosyonal.


Iniulat din ng mga survey na karamihan sa mga sumasang-ayon sa diborsyo ay mga babae.


"Ang sabi nga ng iba, isang papel na lang ang nag-uugnay sa kanila. Bakit pa ipagkakait sa kanila ang kalayaan at hayaang nakakulong sa isang relasyon na mapanakit, walang pagmamahalan at pagpapahalaga sa isa't isa?" wika pa niya.


"2023 na, wala pa ring divorce. It’s time to change this,” diin pa ni Hontiveros.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Robin Padilla, na nakaranas mismo ng diborsyo, dapat na bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino sa diborsyo.


"Ako po ay divorced sa aking ex-wife at kami namang 2 ay maligaya. Siya ay nakapag-asawa na at ako naman ay nakapag-asawa na. At ganoon din ang aming anak, maliligaya din. ‘Di kami dumaan sa aso’t pusa, batuhan dito, batuhan doon. 'Di kami dumaan doon kasi kami malayang nakapagdiborsyo sa Sharia court," punto ni Padilla.


Samantala, inihayag ni Sen. Raffy Tulfo na nakita na niya kung ano ang hirap at pagtitiis ng mga ikinasal na hindi na nagkakasundo.


"Prior to my election as senator, I have seen countless persons stuck in toxic or unproductive marriages. They are left to suffer endlessly detrimental to [their] physical and psychological well-being. It is time to save Filipinos from this dead-end situation by enacting a divorce law," dagdag pa ni Tulfo.


 
 

ni Mylene Alfonso | March 30, 2023




Tatayo bilang legal counsel ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa si Sen. Francis Tolentino para kumatawan kaugnay sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


“I accept the proposal of Sen. Dela Rosa to lawyer for him,” ani Tolentino, chairperson ng Senate committee on justice and human rights, sa online news conference kahapon kaugnay sa hiling ni Dela Rosa, na dating chief ng Philippine National Police na nahaharap sa kasong crimes against humanity.



Nanindigan din si Tolentino na dapat dito sa Pilipinas gawin ang imbestigasyon at hindi sa Netherlands.


Kaugnay nito, hindi pa rin umano niya nakakausap si Duterte hinggil sa posibleng kinatawan ng huli sa international tribunal.


"If he wants, I’m just having my papers fixed now for my proper accreditation if that will come to that point,” aniya pa.


“My role would be to ensure the protection of Sen. Dela Rosa, not just within the confines of the ICC. Because we’re claiming that they do not have jurisdiction, but even locally,” wika pa ni Tolentino.


Matatandaang pumasa si Tolentino sa Philippine Bar Exams noong taong 1984 at New York State Bar Exams noong 1991.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page