top of page
Search

ni Eli San Miguel @Entertainment News | June 5, 2024



File photo


Nanumpa ang fashion icon na si Heart Evangelista bilang Pangulo ng Senate Spouses Foundation Inc. (SSFI) nitong Miyerkules ng umaga.


Ginanap ang nasabing seremonya sa gusali ng Senado. Napunta kay Evangelista ang posisyon bilang lider ng organisasyon nang magbitiw si Audrey Tan-Zubiri dahil nawalan ng puwesto ang asawa niyang si Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President noong Mayo.


Matapos ang mga pagbabago, agad na nanumpa ang asawa ni Evangelista na si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang ika-25 na Senate President ng Pilipinas.

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | February 19, 2024




Inaprubahan na ng senado sa huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong taasan ang daily minimum wage para sa mga manggagawa ng pribadong sektor.


Nakasaad sa Committee Report No. 190 na nakakuha ang Senate Bill No. 2534 ng 20 pabor na boto sa plenary session ngayong Lunes. Walang mga tutol o abstensyon dahil wala sina Senadors Imee Marcos, Lito Lapid, Cynthia Villar, at Mark Villar sa oras ng botohan.


Binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maaaring ito ang maging unang pambansang pagtaas ng sahod sa ilalim ng batas mula noong 1989.


Ipinaliwanag rin ni Zubiri ang kahalagahan ng agarang pagtaas ng minimum wage, lalo na para sa mga manggagawa sa Visayas at Mindanao na kasalukuyang kumikita lamang ng P360 kada araw.


“How can you live with P360 a day? It’s impossible. Once this bill is passed and becomes a law, this will provide a great relief to our poor and hardworking employees,” aniya.


Sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada, tagapagtaguyod ng panukalang batas, na tiyak na magkakaroon ng pagtaas sa araw-araw na sahod para sa mga halos 4.2 milyong manggagawang na may minimum wage.


Nagmamandato ang panukalang batas ng pagtaas na P100 kada araw sa minimum wage para sa lahat ng manggagawa ng pribadong sektor, anuman ang kanilang trabaho.

 
 

ni Mylene Alfonso | June 1, 2023




Upang maunawaan ng pangkaraniwang Pilipino ang panukalang Maharlika Investment Fund Act, isinusulong ni Sen. Robinhood 'Robin' C. Padilla ang pagsalin sa Filipino ng panukalang batas at ang kaugnay nitong dokumento.


Ginawa ni Padilla ang pahayag na nagsusulong sa paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na dokumento ng pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng pagmungkahi ng pag-amyenda sa Maharlika bill sa Senado, Miyerkules ng madaling-araw.


Tinanggap ito ni Sen. Mark Villar, ang sponsor ng Maharlika bill.


"Magmula kaninang umaga, marami na po tayong kababayang nand'yan sa labas at sila nagpoprotesta at sa kanila pong sinasabi hindi nila naintindihan ang atin pong panukala na Maharlika bill. Kanina din pong tanghali meron tayong bisitang barangay captain.


Nang sinabi po natin sa kanila tungkol sa Maharlika bill na ito, ating panukala, sila po ay (nagsabi), 'di namin naintindihan 'yan," paliwanag ni Padilla.


Ipinunto rin ni Padilla na sa Sec. 6, Art. XVI ng 1987 Constitution, ang pamahalaan ay gagawa ng hakbang para gamitin ang Filipino bilang "medium of official communication and as language of instruction in the educational system".


Unang tinanggap ni Villar ang panukala ni Padilla sa seksyon tungkol sa right to freedom of information of the public: "All documents of the MIF (Maharlika Investment Fund) and MIC (Maharlika Investment Corp.) shall be open, available and accessible to the public in both English and Filipino".


Isa pang panukala ni Padilla na tinanggap ni Villar ay sa "Effectivity" kung saan ang pagsalin ng batas sa Filipino ay ilalathala sa Official Gazette o sa dyaryong may general circulation sa Pilipinas.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page