ni Lolet Abania | February 20, 2022
Nagpasalamat ang asawa ni Pharmally Pharmaceutical Corporation Director Linconn Ong na si Summer Ong, sa mga senador at sa Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagpayag ng mga ito sa kanyang mister na bumisita sa kanilang anak na nagkasakit ng dengue.
Sa isang statement, pinasalamatan ni Gng. Ong sina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III, gayundin si Senador Richard Gordon at ang Senate Blue Ribbon Committee, dahil sa aniya, “whatever consideration” na ibinigay sa kay Linconn Ong hinggil sa naturang usapin.
Nitong Biyernes, inanunsiyo ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Gordon na pinapayagan niya si G. Ong na bisitahin ang kanyang anak, matapos na si Gng. Ong ay sumulat sa panel noong Pebrero 14 kung saan nakikiusap ito na mai-release ang mister.
Ayon kay Lacson, pabor siyang palayain si Ong mula sa detention para aniya sa tinatawag na “purely humanitarian” reasons, subalit hindi dapat siya ipawalang-sala mula sa anumang posibleng accountability o criminal liability. Sinang-ayunan naman ni Sotto ang naging pasya ni Lacson aniya, pabor siya sa pagre-release mula sa pagkakakulong ni Ong.
Sinabi naman ng counsel ni Ong na si Atty. Rita Linda Jimeno, na ang anak ni Ong ay nakalabas na sa ospital subalit hindi pa ito fully recovered mula sa naturang sakit.
“Our son, by the grace of God, has been discharged from the hospital and will continue to be monitored at home. Hopefully, he can derive more strength from spending time with his daddy and recover faster,” sabi pa ni Gng. Ong sa hiwalay na liham.