ni Mary Gutierrez Almirañez | March 24, 2021
Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Employees Compensation Commission (ECC) upang gawing ‘occupational disease’ ang COVID-19 para mabigyan ng insurance at iba pang benepisyo ang mga empleyadong pumapasok sa trabaho, batay sa pahayag niya ngayong Miyerkules, Marso 24.
Aniya, “Workplaces and mass transportation are the new hotspots of virus transmission. Dapat nang aksiyunan ng gobyerno ang panawagan na gawing occupational disease ang COVID-19 to ensure that the workers who will contract the disease while at work or in transit will be compensated under the national policy for employment injury benefits.”
Dagdag pa niya, “Pinabalik ang manggagawa sa trabaho pero kulang na kulang ang pag-aalagang ibinibigay ng gobyerno. Huwag natin silang tratuhing parang imortal.
Hindi curfew o checkpoints ang kailangan kundi garantisadong proteksiyon sakaling mahagip o tamaan sila ng virus.” Iginiit din niya na posibleng nakukuha ng mga empleyado ang virus sa tuwing bumibiyahe sila sakay ng pampublikong transportasyon kaya dapat lamang ikonsidera ang ginagawa nilang sakripisyo upang mabigyan ng karagdagang benepisyo.
“Hindi pa huli ang lahat para ituwid ang pagkakamali. Huwag lang puro lip service ang excellent performance. Kung magpapatuloy ito, itinutulak lang ang mga manggagawa sa bingit ng walang-katapusang pangamba, sakripisyo at pagkagutom,” sabi pa niya.
Matatandaang inihain ni Sen. Hontiveros ang Senate Bill 1441 o Balik Trabahong Ligtas Act nu’ng nakaraang taon na layuning masaklaw ng PhilHealth ang mga benepisyo ng bawat empleyadong pumapasok sa trabaho sa gitna ng pandemya, kabilang ang mga contractual, contract of service, probationary at job order.