- BULGAR
- Nov 22, 2023
Fni Angela Fernando - Trainee @News | November 22, 2023

Naaresto sa magkahiwalay na entrapment operation nitong Miyerkules ang tatlong suspek na nagpanggap bilang staff ni Senador Sherwin Gatchalian para mangikil ng pera.
Kinilala ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang mga suspek na sina Ryan Lester Lino o "Luis David Tan", Tina Hoson, at Ma. Luisa Barlan.
Nakitaan ang isa sa mga suspek ng pekeng ID na nagsasabing siya'y nagtatrabaho sa opisina ni Sen. Gatchalian.
Pahayag ni NBI-AOTCD Chief Jerome Bomediano, dati nang nareklamo ng mga staff ni Gatchalian ang paggamit sa opisina nila upang makahingi ng pera.
Ayon sa testimonya ng isang biktima, hinihingian siya ng isa sa mga suspek ng P500K kapalit ng kontrata para sa suplay ng landfill para sa proyektong panlupa sa Pasay City.
Inamin ni Lino na hindi siya staff ni Gatchalian at sinabing may nag-utos lang sa kanya, habang itinanggi naman ni Barlan ang mga akusasyon at hindi naman nagbigay ng komento si Hoson.
Nakulong ang tatlong suspek sa salang extortion.