ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 2, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Arlene na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman ang ibig sabihin ng mga panaginip ko tungkol kay Mama Mary. Sa panaginip ko, pumunta ako sa isang grotto at nandu’n ang malaking rebulto ni Mama Mary. Habang nakaluhod ako, narinig kong may sinasabi Siya, pero hindi ko maintindihan dahil maingay ang mga tao na nagse-selfie. Bawal sa lugar na ‘yun ang mag-ingay, kaya naisip ko bakit kaya maiingay sila? At nang matahimik na, narinig ko na rin si Mama Mary, sabi Niya, magdasal ako ng rosary tuwing bago ako matulog. Paulit-ulit ‘yun, halos every day, napanaginipan ko ‘yung ganu’ng sitwasyon, kasi noon, nagdarasal kaming magkakapatid bago matulog dahil ‘yun ang itinuro sa amin ng lola namin. Wala na kaming nanay dahil nagkasakit siya at namatay, 16-anyos ako noong namatay si mama at tatlong magkakapatid kami, dalawang babae at isang lalaki.
Ano ang mensahe ni Mama Mary sa panaginip ko?
Naghihintay,
Arlene
Sa iyo, Arlene,
Tama ka, may mensahe nga para sa iyo si Mama Mary at ito ay nagsasabing magdasal ka ng rosary bago matulog. May dahilan ang lahat ng bagay at kaya pinagdadasal ka ni Mama Mary ay dahil sa panahon ngayon o sa mundo ng mga millennial, halos wala nang nagdarasal bago matulog.
Sabi nga, ang mundo sa panahon ng mga millennial ay sobrang maunlad, kumbaga, malayo na ang narating ng tao kaya ayon sa kanila, ngayon ang panahon ng “Golden Age of Knowledge.”
Pero sa totoo lang, ito ay sa biglang tingin lang, kumbaga, sa malalim na pagsusuri, ang mga tao sa panahon ngayon ay hindi naman naging sobrang engot, pero humina nang husto ang kanilang pag-iisip. Noong hindi pa uso ang mga gadgets, lalo na ang mga cellphone, ang mga tao ay matalas ang memorya kumpara ngayon na nakaasa na lang sa gadgets.
Kapag matalas ang memorya ng tao, siya ay masasabing matalino. Noon, ang mga number ng phone ay kabisado ng mga tao kahit gaano pa karami ang kanilang contacts. Ngayon sa totoo lang, kahit ang sariling number ay hindi na minememorya dahil naka-save naman sa cellphone.
Kaya ang mga makabagong gamit ngayon ay malungkot mang sabihin, pero they retard the memory process. Dahil dito, sa bandang huli, darating ang panahon wala nang magmememorya o magkakabisa dahil ang lahat ay naka-save na sa dala-dalang gadget.
Gayunman, mahirap nga lang paniwalaan, pero ito ay alam ng mga siyentista na ang utak ng tao liliit nang liliit dahil ang bahagi na ginagamit sa pagmemorya ay hindi na gagana at tuluyan na ring mawawala.
Ang isa pang mahirap paniwalaan, pero isang katotohanan ay bibihira na rin ang nagdarasal. Marami ang aangal dahil sasabihin nilang nagdarasal sila, pero ang totoo, ang dasal ng mga tao ngayon ay hindi naman talaga prayers kundi ang totoo nito ay mga sari-saring request lang. Oo, mga hiling na pangkatawan o makamundong bagay.
Ang nakatutuwa pa sa tao, nagre-request o nagdarasal lang kapag sila ay may problema at pangangailangan o kapag may sakit na iniinda at kapag sila ay iniwan ng kanilang mga karelasyon.
Kaya sabi ni Mama Mary sa iyong panaginip at ayon din naman sa iyo ay paulit-ulit na almost every day ay napapanaginipan mo, simulan mo na ulit ngayon ang pagdarasal kay Mama Mary.
At sa panahong ito ng pandemya, tunay ngang mas maganda kung hikayatin mo ang mga kakilala mo, lalo na ang mga ulila na tulad n’yong magkakapatid na mag-alay ng mga panalangin kay Mama Mary.
Mas maganda at magiging epektibo kung magsasama-sama kayo sa isasagawa n’yong sabayang pagdarasal ng Santo Rosario.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo