ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 5, 2021
Salaminin natin ang panaginip na ipinadala ni Emma sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Sa panaginip ng asawa ko, nakauwi na siya rito sa ‘Pinas. Nang pupuntahan niya kami, tinawag siya ng kaklase niya noong elementary na pulis na ngayon at nagpabunot siya at sinabing, “May mapapanalunan ka. Puwede kang manalo ng white gold.” Sumagot siya ng, “Sige, P100, ibibigay ko sa iyo ang panalo ko.” Inabot ng mister ko ang P100 at sabi niya, nanalo kami. Sa 5 bunot, 4 ang nakuha namin.
Nagulat siya dahil ang napanalunan niya ay mga ipit na pambabae, tapos hindi niya na ‘yun kinuha dahil pakiramdam niya ay niloko siya dahil ang usapan ay gold ang mapapanalunan. Tapos may lumapit sa kanyang 2 Chinese na babae na bumibili ng pampasuwerte sa nagtitinda raw ng ginto at ‘yung isa ay parang bling-bling na korona at may dragon na design ‘yung kuwitas. ‘Yung isa ay pulseras na dragon ang design. Biglang lumapit ‘yung matandang Chinese, kinuha niya ang tatlong pampasuwerte at pinagdikit-dikit niya at naging maliit na tigre, kasing-laki ng aso na bagong panganak, pero tigre siya dahil orange, black at white ang kulay. Nagulat ang mister ko dahil ibinigay ‘yun sa kanya. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Emma
Sa iyo, Emma,
Masasalamin sa kanyang panaginip na nananabik ang asawa mo na makauwi. Kumbaga, gustung-gusto na niyang makapiling ka. Para siyang nagmamadali at hindi makapaghihintay pa na muli kang makita.
Kitang-kita rin na ang pangunahing pangarap niya ay umasenso kayo, as in, gumanda ang buhay n’yo. Gayunman, ang babala ng kanyang panaginip ay nagsasabing huwag na huwag kayong matutukso sa mabilisang pagpapayaman dahil puwede kayong mai-scam o maloko ng malaking halaga.
Kaya ingatan n’yong makipagsapalaran sa mga nag-aalok ngayon kung saan sinasabing madali lang kumita o yumaman, pero sa huli ay scam pala.
Muli, gustung-gusto ng mister mo na kayo ay umasenso. Nasa kanyang panaginip ang susi ng inyong pagyaman. Oo, iha, wala sa mabilisang pagpapayaman kundi nasa maliit na negosyo hanggang sa lumaki ito nang lumaki. Ito rin ang simbolo ng maliit na tiger sa kanyang panaginip
Dagdag pa rito, alam mo, Emma, sa mga Tsino, ang simbolo ng business empire ay tiger kaya muli, mula sa maliit ay magiging malaking-malaking negosyo ang tiyak na maitatayo n’yong mag-asawa.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo