ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 8, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Agnes na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan kong marami kaming mga tao na nagkakatuwaan, tapos napatingala ako sa langit at nakita ko ‘yung kabayo na naglalakad sa ulap. Habang tinitingnan ko siya, biglang naging kalabaw pero may sakay at ‘yung sakay ay umakyat sa langit. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Agnes
Sa iyo, Agnes,
Bilang pagtatapat sa iyo, ganito ang kahulugan ng iyong panaginip — sa ngayon ay inaakala mong hindi na matutupad ang mga pangarap mo. Ibig sabihin, pinanghihinaan ka na ng loob at maririnig sa iyong kalooban na ipinauubaya mo na lang sa langit ang iyong kinabukasan.
Pero ang sabi ng iyong panaginip, “keep on dreaming,” kumbaga, huwag kang mawalan ng pag-asa. Sa halip, manatili kang nangangarap na ikaw ay magkakaroon ng magandang future.
Ang kabayo ay simbolo ng ambisyon ng tao, kaya sabi ng panaginip mo, bakit mo papatayin ang iyong ambisyon? Pahabol pa ng iyong panaginip, ang taong walang ambisyon ay mananatili sa kahirapan, pero ang may ambisyon ay yayaman.
Ang totoo nga, ang kalabaw sa panaginip mo ay sumisimbolo sa masaganang buhay kung saan ayon sa iyong panaginip, makakaasa ka na magkakaroon ka ng kasaganaan sa buhay sa darating na mga araw. Pero ito ay makakamit mo lamang kung buhay ang iyong ambisyon.
Kaya sa panaginip, ang kabayo na naging kalabaw ay nagsasabing, “Ang mga ambisyon mo— gaanuman ito kataas — ang magdadala sa iyo sa tiyak na pag-unlad at sa kasaganaan ng buhay.”
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo