ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 11, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Jean na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nanaginip ako ng mangkok na maliit at ang isa pang napanaginipan ko ay cellphone. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Jean
Sa iyo, Jean,
Ang mangkok ay ang plato na puwedeng lagyan ng pagkain na may sabaw. Isang klase ito ng pinggan na medyo malalim ang pinakagitna, pero hindi ito ang lalagyan mismo ng sabaw.
Ang isa pang klase ng pinggan ay ang bandehado na hindi malalim, kaya kanin at ulam na walang sabaw ang puwedeng ilagay. Kaya lang, dahil bihira na rin ang nakakaalam ng mga klase ng pinggan, mas malamang na pangkaraniwang pinggan ang iyong tinutukoy.
Kapag napanaginipan ang pinggan, ang nanaginip ay makikitang gumaganda at sume-sexy.
Ang pinggan din ay bihirang mapanaginipan ng mga lalaki dahil ito mismo ay simbolo ng balakang at dibdib ng mga babae. Dahil dito, pinaniniwalaang ang nanaginip ay sobrang nakakaakit, hindi lamang sa mga mata ng kalalakihan kundi maging sa mga kapwa niya babae.
Para mapakinabangan mo ang magandang balita mula sa iyong panaginip, bakit hindi mo subukang mag-request ng kahit na ano sa mga lalaking nakadikit sa iyo o sa mga babaeng alam mong hanga sa ganda ng pigura ng nasabing bahagi ng iyong katawan?
Dahil maliit ang mangkok na nasa panaginip mo, ang pahabol na kahulugan nito ay ikaw ay super-cute ngayon, kaya lalong hindi ka tatanggihan ng mga lantad at lihim na humahanga sa iyo.
Ang cellphone naman sa panaginip ay simbolo ng komunikasyon, kaya ang payo sa iyo ay alisin mo ang pagiging mahiyain mo dahil mas maganda na maging palakaibigan ka. Gayundin, magandang ipakita mo ang iyong sweetness sa sinumang makakausap mo.
Para malinaw, walang makatatanggi sa iyo na sinumang gusto mong utusan o pakinabangan at ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo