ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 4, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Aurea na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Naliligo ako at ayaw kong huminto sa kaliligo. Madalas ko itong napapanaginipan at minsan ay nagsa-shower ako kahit hating-gabi na. Minsan naman, naliligo rin ako sa tabing-ilog sa probinsiya namin sa Quezon. Ano ang kahulugan nito?
Naghihintay,
Aurea
Sa iyo Aurea,
Kapag ang buhay ay mahirap at hindi magawa ang gustong gawin dahil kapos sa pera, kapag ang buhay ng tao ay nababalutan ng takot, nerbiyos at negatibong pananaw, pero alam niyang mali ang ganu’n at wala siyang magawa para talunin ang mga ito, tulad mo, siya ay madalas na mananaginip ng naliligo.
Narito ang ilang paraan para kayanin mo ang bumabalot sa iyong negatibong kaisipan:
Mag-isip ng munting proyekto at ito ang “pet project”. Dahil munti o maliit ang pipiliin mo at hindi ka mahihirapan, tiyak na magagawa mo ito nang maganda.
Mag-isip ka muli ng isa pang munting proyekto, pero kailangan ay mas mahirap ito nang kaunti kaysa sa nauna. Dahil kaunti lang din naman ang hirap na madaragdag, siguradong ito ay magagawa mo rin.
Mag-isip ka muli, at ngayon, medyo mahirap na ang iyong gawin. Dahil medyo mahirap lang naman, matatapos mo pa rin ito.
Mag-isip ka muli, pero baka sa pagkakataong ito ay malakas na ang loob mo at pumili ka ng isang malaking proyeto. Ang piliin mo ay ‘yung alam mong makakaya mo at dahil alam mong kaya mo ito, malamang na matatapos mo.
Ang mga paraang ito ay epektibong pormula nang mapalaya ang tao sa mga negatibong kaisipan at kabiguang nakakapit sa kanyang pagkatao.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo