ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 13, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Precy na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nahulog ako sa hagdan, pero wala namang hagdan ang bahay namin sa totoong buhay. Sa panaginip ko, nagmamadali akong umakyat dahil may kukunin ako sa bahay namin, pero dahil sa pagmamadali, nahulog ako. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Precy
Sa iyo, Precy,
Hindi lang sa mga bahay, building at matataas na bagay iniuugnay ang hagdan dahil ito ay inihahalintulad din sa pangarap ng isang tao na nagsasabing ang pangarap ay mataas kaya kailangan ang hagdan.
Ang totoo nga, walang pangarap na hindi aakyatin o hindi gagamitan ng hagdan. Gayundin, may baitang ang hagdan kaya walang pangarap na short-cut, at kapag umakyat sa mga baitang, dapat ay maingat.
Ayon sa iyong panaginip, okey sa iyo ang pangarap mo dahil kinumpirma nito na ang iyong pangarap ay mapasasaiyo. ‘Yun nga lang, sabi rin ng iyong panaginip, huwag kang magmadali dahil sa pagmamadali, maaari kang mabigo o maantala ang pagkuha mo sa iyong pangarap.
Alam mo, may mga taong nagsasabi na may pangarap sila, pero kapag hindi sila nakapanaginip ng hagdan, ang kanilang pangarap ay wala lang. Kumbaga, ito ay mapabibilang sa mga wishful thinking ng mga tao na ang ibig sabihin, wish lang at hindi tunay na pangarap.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo