ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 19, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Ayline na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan kong nagdasal ako ng rosary mula hating-gabi hanggang umaga. Ipinagdasal ko na gumanda ang buhay ng mga magulang ko, tapos ‘yung mga kapatid ko ay ipinagdasal ko rin. ‘Yung kaibigan ko na malapit sa ‘kin, ipinagdasal ko rin na nawa’y gumaling na siya dahil na-stroke siya at hindi gaanong makakilos.
Sa aking panaginip, nang matatapos na ko sa pagrorosaryo, may rainbow akong nakita. Ang ganda, tapos malinaw ang mga kulay. Ano ang kahulugan nito?
Naghihintay,
Ayline
Sa iyo, Aylene,
Ang kapangyarihan ng panalangin ay isa sa pinakaimportanteng sandata ng tao laban sa mga hindi magagandang pangyayari sa kanyang buhay, gayundin sa kanyang mga mahal sa buhay.
Ito ang ipinaaalala sa iyo ng iyong panaginip—huwag mong kalimutang magdasal dahil ito ang paraan para makipag-ugnayan sa nasa itaas.
Maaring hindi mo paniwalaan, pero ang iyong panaginip ay nagsasabing nalilibang ka sa ibang mga bagay kung saan nakalilimutan mo nang magdasal para sa mga mahal mo sa buhay.
Isang magandang paalala ito ng iyong panaginip dahil ang lahat ay nahaharap sa kawalan ng katiyakan, banta ng karamdaman at pangamba sa kabuhayan. Kumbaga, ikaw at maging ang iyong mga mahal sa buhay ay nangangailangan ng panalangin sa kasalukuyang sitwasyon.
Walang imposible sa pagdarasal. Kumbaga, ang mga mahirap mangyari ay maaaring mangyari at ang tinatawag na himala ay nangyayari dahil sa pagdarasal.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo