ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 23, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Lotlot na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na nabenta na ‘yung bahay namin. Noon kasi, nasabi ng mama ko na ibebenta ‘yung bahay namin pero hindi naman nangyari. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lotlot
Sa iyo, Lotlot,
Huwag kang mag-alala dahil hindi mabebenta ang bahay n’yo ngayon. Ang panaginip mo ay nagsasabing maaaring bumalik ang problema n’yo noong panahon na naiisip ng mama mo na ibenta ang inyong bahay. Kumbaga, problema ang babalik, pero ang pagbebenta ng bahay ay hindi na muling magiging option. Dahil noon, hindi gaanong maganda ang buhay n’yo, pero ngayon ay iba na kaya magkaiba ang kondisyon.
At dahil maganda na ang buhay n’yo ngayon kaysa sa dati, mas makapag-iisip kayo nang mabuti. Kapag mahirap ang buhay, hindi maganda ang takbo ng isip—mabilis magpasya at kadalasang mali. Kaya dapat ay makatakas sa kahirapan ang tao dahil para na ring natakasan niya ang hindi tamang pag-iisip, maling desisyon at pabigla-biglang pagkilos.
Kaya ang payo ng iyong panaginip, sikapin mong umasenso nang sa gayun ay maging positibo ang lahat para sa iyo. Kapag ang isip, kilos at salita ay positibo, muli, ang pagpapasya ay positibo rin.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo