ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 14, 2021
Dear Professor,
Napanaginipan kong nasa probinsiya ako at parang plaza ang lugar. Kasama ko ang mama ko, tapos may nagbigay ng apat na piling ng saging na saba, ‘yung saging ay bagong tiba at magulang na talaga at masarap ilaga. Inuwi ko ‘yung saging at pagbalik ko, may nakita akong hinog na bayabas, kaso mataas kaya hinayaan ko na lang, pero malaking pomelo ang nakuha ko. Sinalat ko ang bandang ibaba ng pomelo para malaman ko kung nasa hustong gulang na, kaso malambot pa ang balat, kaya sabi ko, alanganin at hindi pa puwedeng buksan, tapos umuwi na ako.
May nadaanan akong ang tindahan ng RTW, tumingin ako ng damit na puwede kong isuot kaso puro pambata ang naroon. Nakausap ko ang may-ari at nag-suggest siyang pumunta sa bandang unahan dahil baka may magustuhan ako roon. Sinunod ko naman siya, pero puro bag ang nakadispley. ‘Yung tindera na nagbabantay du’n ay busy sa pag-asikaso sa lalaking customer na namimili ng alahas. Nasa likuran lang ako ng lalaki, tapos tingin lang nang tingin kasi hindi naman ako bibili. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Nitz
Sa iyo, Nitz,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay dumating na ang takdang araw para ikaw ay lumigaya. Kumbaga, hinog na ang panahon para unahin mo naman ang iyong personal na kaligayahan.
Maaaring may ilang umaasa sa iyo para sila ay mabuhay o may tinutulungan ka na akala mo ay kailangan ang tulong mo. Puwede ring may iba kang plano sa buhay, pero naisasakripisyo mo ang iyong personal na kaligayahan.
Dapat mo nang maisip na puwede ka ring makatulong sa ibang araw o panahon. Hindi naman dahil lang liligaya ka na ay hindi ka na makakatulong. Mahalin mo ang iyong kapwa, ito ang banal na utos na sinunod ng marami sa atin.
Pero hindi naman natapos sa “Mahalin mo ang iyong kapwa” ang naturang utos dahil may karugtong ito na, “tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili,” na nagsasabing unahin nating mahalin ang ating sarili nang sa gayun ay matupad natin nang maayos ang utos na mahalin natin ang ating kapwa.
Dahil kung uunahin nating mahalin ang ating kapwa, hindi natin magagampanan ang kakambal na utos na mahalin ang ating sarili.
Medyo mahirap maunawaan ang malalim na kahulugan ng pagtulong sa kapwa at puwede namang huwag mo nang pahirapan ang isip mo na makuha ang natatagong kahulugan. Ang mahalaga lang naman ay iyong malaman na ayon sa iyong panaginip ay muli, dumating na ang takdang mga araw para sa iyo upang asikasuhin mo naman ang personal mong kaligayahan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo