ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 14, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Winne Rose na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na kasama ko ang mama ko at nasa isang magandang bahay kami na parang palasyo. Maingat kaming naglalakad dahil baka madulas kami. May hinahanap kaming tao na kausap ng mama ko at gagawa ng motor dahil nasira ‘yung motor namin na ginagamit sa pag-alis-alis.
May nakita kaming lalaki sa palasyo at sabi niya, wala pa ‘yung taong hinahanap namin at hintayin na lang namin. Habang naghihintay, sabi ko sa sarili ko, masyado nang luma ang motorsiklo namin, mas maganda kung bibili ng bago, kaso wala naman kaming pera.
Naghihintay,
Winne Rose
Sa iyo, Winne Rose,
Masasalamin sa panaginip mo na ang bahay n’yo ngayon ay hindi na maganda, maaaring masikip, maliit at sa totoo lang, ayaw mo na rin ditong tumira. Kaya ang palasyo sa panaginip mo ay kabaligtaran ng inyong bahay.
Gayundin, masasalamin na maninirahan ka isang bahay na mala-palasyo. Mangyari kaya ito sa tunay na buhay? Ang sagot ay oo, dahil ayon sa mga pag-aaral, ang panaginip na kabaligtaran sa reyalidad ay mas nagkakatotoo. Kumbaga, sa future, sa mala-palasyong bahay ka maninirahan.
Ang panaginip na ipagagwa n’yo ang motor na sira at luma na ay nagbabalitang maaari kang ma-in love o magkagusto sa isang lalaking marunong mag-repair ng motor.
Maaaring hindi ka maniwala o ikaw ay mabigla, dumilat ang mga mata mo sabay taas ng kilay at nagulat ka na ikaw pala ay posibleng ma-in love sa “repair man.”
Dito sa mundo, iha, ang isa sa “hinihintay” ng mga dalaga ay ang kanilang dream boy, lover boy, soul mate o si Mr. Right.
Kaya muli, ang “hinihintay” sa panaginip mo ay ang iyong makakarelasyon sa malapit na hinaharap.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo