ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 21, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Elsa na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na may sakit ako at nakahiga sa kama, tapos nakita ko na maraming prutas sa lamesa, bigay daw ng mga dumalaw sa akin.
Ano ba ‘tong panaginip ko? Ngayon ay wala naman akong sakit, pero nababala ako sa panaginip ko.
Naghihintay,
Elsa
Sa iyo, Elsa,
Sinasabi ng tao na wala siyang sakit, pero sabi lang niya ‘yun at base lang sa kanyang pakiramdam. Kapag ang edad ay 40 pataas na, tiyak na kapag nagpa-examine siya, may makikita sa kanya na karamdaman. Ibig sabihin, hindi sapat na basehan ang kanyang kasalukuyang pakiramdam kung may sakit ang isang tao o wala.
Bukod pa rito, ayon sa mga doktor, ang mikrobyo ay nasa tao na bago pa niya madama ang sintomas na siya ay may sakit na. Kumbaga, umatake na ang mikrobyo at naminsala, kaya lang, hindi pa alam ng taong may sakit. Ito ay dahil kadalasan, ang sintomas ay madarama lang 14 araw mula nang makapasok ang mikrobyo sa katawan.
Ang iyong panaginip ay nagpapaalala na ingatan mo ang iyong sarili dahil may posibilidad na ikaw nga ay dapuan ng karamdaman.
Kaya ang payo ay kumain ka ng masusustansiyang pagkain nang sa gayun ay magkasakit ka man, malaki ang tsansa na ito ay iyong labanan, as in, mabilis kang gagaling.
Bukod sa pagkain ng masusustansiya, huwag kang magpupuyat dahil kahit ang tao ay kumakain nang maayos pero lagi namang puyat, hihina rin ang kanyang katawan.
Gayundin, isabuhay mo ang tinatawag na proper hygiene na dapat ay laging malinis ang iyong katawan at kapaligiran.
Muli, may babala na puwede kang magkasakit, pero kung maisasabuhay mo ang mga payo sa itaas, hindi lalala ang iyong karamdaman at mabilis kang makarekober.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo