ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 2, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Joanna na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Namimitas ako ng mga bunga ng mangga, tapos ‘yung mangga ay nasa harapan ng bahay namin. Pero bakit kaya ganu’n ang panaginip ko, wala namang mga bunga ang mangga namin gayung hindi na panahon ng mangga? Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Joanna
Sa iyo, Joanna,
Oo, iha, ang mga prutas ay pana-panahon, as in, may panahon ang pamumunga kaya hindi araw-araw ay may mga bunga ito. Ganundin ang pamimitas ng mga suwerte sa buhay, hindi laging may mga suwerteng dumarating, kaya kapag may magagandang oportunidad sa buhay ng tao, dapat ay “pitasin” niya ito at huwag palampasin.
Ang panaginip mo ay nagsasabing dumating na ang takdang panahon na ang maraming suwerte ay lalagay sa iyong harapan, kaya pitasin mo kung ano ang maganda sa paningin mo.
Huwag kang mag-alala kung higit sa isa o marami ang mga oportunidad na aangkinin mo. Ang totoo nga, mabuti sa tao na mas maraming oportunidad ang kanyang mapili.
Aangkinin mo pa lang naman, aariin at mamahalin. Ibig sabihin, puwede namang hindi mo pa galawin dahil ang mahalaga ay alam mo na ang oportunidad na ito ay puwedeng-puwede sa ibang panahon at kapag kailangan ay gagamitin mo na.
Kaya ang panaginip mo ay nagsasabing ipakikilala o ihaharap sa iyo ang mga pagkatao na puwede mong mapakinabangan para sa katuparan ng iyong pangarap.
Ang mga pagkakataong makikita mo ay iyong tandaan at huwag mong kalilimutan dahil ang mga ito ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo