ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 6, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Normita na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Natakot ako sa panaginip ko. Napanaginipan ko si mama na nagkasakit, nakahiga sa kama at may nurse sa tabi niya.
Ang mama ko ay nasa Hong Kong dahil isa siyang OFW. Sa huling chat namin, okey naman siya, nagvi-video call din kami at malakas naman siya, as in, wala siyang sakit o anumang karamdaman, masaya siya at masigla. Ano ang masasabi n’yo sa panaginip kong ito?
Naghihintay,
Normita
Sa iyo, Normita,
Ang mga panaginip ay pangyayaring may kaugnayan sa kasalukuyan pero ang panaginip ay may pagkakataong may kaugnayan sa nakaraan at hindi rin maiiwasan na ang mga panaginip ay ang mga mangyayari pa lang sa hinaharap.
Sa ganitong katotohanan, mas magandang ipayo mo sa iyong mama na ingatan niya ang kanyang kalusugan at katawan. Hindi naman masama ang mag-ingat dahil ang masama ay ang hindi nag-iingat.
Ang mga panaginip din ay nagbababala, at kapag nakinig sa babala ay hindi na mangyayari hindi magandang bagay na maaaring maganap.
Kaya ang panaginip mo ay napabibilang sa mga panaginip na nagbababala kaya muli, mas magandang payuhan mo ang iyong ina na ingatan ang kanyang kalusugan at katawan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo