ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 10, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Vangie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko si Mama Mary. Nakaputi at blue siya, tapos tinawag niya ako at namasyal kami sa isang hardin na maraming mababangong bulaklak. Nakakita rin ako ng maliliit na anghel na sanggol at may mga pakpak, tapos sumasabay sila sa paglakad namin ni Mama Mary.
Sabi ni Mama Mary, kumusta na ang mommy at daddy ko, tapos kinumusta rin niya ‘yung best friend ko na si Che-che. Sabi ko, okey naman sila. Sabi ko pa nga, mabait si Che-che at palagi ko siyang kasama. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong tungkol kay Mama Mary?
Naghihintay,
Vangie
Sa iyo, Vangie,
Kapag ang panahon ay batbat ng kaguluhan at mga pangyayaring hindi magaganda at hindi kontrolado ng mga tao, kapag ang mga tao mismo ay nag-aaway tulad ng nangyayari sa mga giyera, kapag pagkagahaman at pansariling kapakanan lang ang iniisip ng mga tao, ang kadiliman ay sinasabing naghahari sa buong mundo.
Sa ganitong larawan ng sanlibutan, marami ang mananaginip kay Mama Mary at sa iba pang mga banal na personalidad at ikaw ay isa sa mga napanaginipan si Mama Mary.
Alam mo, kung babalikan natin ang kasaysayan, si Mama Mary ay nagpapakita lang sa mga taong may malinis na puso at wagas na kalooban. Kaya masasabing ikaw ay ganu’n— may malinis na puso at wagas na kalooban.
Ang isa pa sa katotohanan na makukuha natin sa kasaysayan ni Mama Mary at Sanlibutan ay ito – kaya nagpapakita si Mama Mary sa iba’t ibang paaran, kabilang na ang mga panaginip ay dahil mahal niya ang mga tao kung saan ayaw niyang mapahamak ang marami.
Tulad mo, mahal ka ni Mama Mary at mahal din niya ang mommy at daddy mo. Ang nakakatuwa ay mahal din niya si Che-che na best friend mo.
Ito rin ay nagsasabing bagama’t ang mundo ay magulo, ang mga mahal mo sa buhay ay iingatan ni Mama Mary at ito ay ginagarantiyahan ng iyong panaginip.
Bilang panghuli, manatili kang may malinis na puso at wagas na kalooban dahil ito ang pinakapayo ng iyong panaginip.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo