ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 19 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Lolit na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan kong nag-ring ang cellphone ng asawa ko at nang kinausap niya ay boses ng babae na maarte ang nagsalita. Kahit mahina, narinig ko ‘yun, tapos tinatanong siya kung gagawin ba niya ang pinagagawa sa kanya. Ang sagot ng asawa ko ay “Mamaya na lang.” Nagpantig ang tenga ko at inagaw ko agad ‘yung cellphone niya at pinatingnan ko sa anak kong babae kung sino ang tumawag, tapos nakita ko na sa bar nagtatrabaho ‘yung babae. Sa galit ko, ibinato ko ‘yung cellphone niya, tapos natulala siya at hindi nakakibo.
Pagkatapos nu’n ay bigla akong ginising ng anak kong babae kaya naputol ang panaginip ko. Ano ang ibig sabihin nito? Sana ay maipaliwanag n’yo. Salamat!
Naghihintay,
Lolit
Sa iyo, Lolit,
Tamang hinala ang naghahari sa iyong malalim na kamalayan. Kumbaga, sa iyong kaloob-looban, wala kang tiwala sa iyong asawa dahil tulad ng nasabi na, “sa malalim” na kamalayan, naroon ang iyong hinala. Hindi ito basta-basta lumalakas sa reyalidad, kaya kahit paano ay napipigilan mo pa ring malaman ng mga nasa paligid mo na ikaw ay may tamang hinala sa iyong mister.
Ang hinala mong ito ay nagkaroon ng pagkakataon na mailabas at ito ay nangyayari sa panaginip mo kung saan doon nagkaroon ng larawan o senaryo na nag-ring at narinig mo ‘yung tumawag sa mister mo.
Siyempre, kahit sinong misis ay sobrang magagalit dahil iniisip niya na siya ay ipinagpalit sa ganu’ng klase ng babae, pero dapat mong maunawaan na muli, ito ay nag-ugat lang sa iyong hinala.
Hindi sapat ang tamang hinala para maniwala ang sarili mo na ang iyong mister ay may “bar girl” dahil kailangan mo pa ng maraming palatandaan kung ito ay totoo.
Una, nagiging kakaiba ang amoy ng lalaking may kabit na bar girl dahil ang paborito nilang perfume ay kakapit sa kanyang damit at balat, kaya puwede mo itong maamoy.
Ang bar girl ay panggabing hanapbuhay, kaya dapat ang mister mo ay wala sa inyo tuwing gabi.
Hindi rin puwede na hindi iinom ng alak ang lalaking magba-bar, kaya malalaman mo kung totoong may babae ang mister mo kung siya ay amoy alak din. Gayundin, dahil ikaw ay tamang hinala, bakit hindi mo tingnan ang cellphone ng mister mo? Ang pagkakaroon ng tamang hinala ay katumbas ng “lisensiya” na buksan ang cellphone ng pinaghihinalaan, pero ito ay para lang sa mag-asawa.
Ibig sabihin, ang asawang lalaki ay papayag na buksan ng misis ang kanyang cellphone dahil sila ay mag-asawa, kaya kung ayaw niyang gawin mo ito, hindi ka masisisi kung tumaas ang antas ng iyong tamang hinala.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo