ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 24 , 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Bhea na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng nakatakas ako sa pagkakakulong sa akin ng mga witch? Ikinulong nila ako at nu’ng nalaman ko na ako naman ang papatayin nila, hinanap ko sa pasikut-sikot ‘yung pinto palabas, pero puro pader ang nandu’n at nakita ko lang nu’ng itinuro sa ‘kin nu’ng isang witch ‘yung lihim na pinto at lock sa ilalim ng pihitan ng vault.
Kapag pinihit ‘yun, magkakaroon ng uwang ‘yung pader. Tinulungan ko kasi ‘yung anak niya na muntik kagatin ng aso, kaya itinuro niya sa akin ang daan palabas. Paglabas ko sa madamong lugar, maraming karinderya akong nadaanan na puro lalaki ang tao at masama ang tingin sa akin dahil hindi ako taga-roon. Nang may lalaking biglang lumapit sa akin at hinawakan ang kamay ko, niyaya niya ako palayo at dinala sa bahay nila, tapos nagising na ako at parang totoong-totoo ang panaginip ko.
Naghihintay,
Bhea
Sa iyo, Bhea,
Sa buhay ng tao, maraming kontrabida at sa panaginip mo, ang mga witch na nagkulong sa iyo ay ang mga taong lihim na galit sa iyo, kumbaga, itinatago nila ang tunay na damdamin nila at sila ay lihim na galit sa iyo.
Pero bakit nga pala ang mga witch ay pangit o sobrang pangit? Alam mo, iha, kaya sila mapapangit ay dahil sila ay nabubuhay sa galit, at kaya sila ay galit dahil ang kanilang kinagagalitan ay maganda hanggang o sobrang maganda.
Hindi ba ang sabi, hindi lang sa gubat may ahas dahil may ahas din sa siyudad, ganundin, hindi lang sa gubat may witches dahil nandu’n din sila sa siyudad. Kumbaga, kahit saan, may ahas at witches dahil ang galit at inggit ay walang pinipiling lugar.
Ayon sa panaginip mo, maraming witches ngayon sa paligid mo na inggit na inggit sa iyo, kaya ikaw ay binabalaan at pinag-iingat ng iyong panaginip.
Pero ano ang panlaban sa galit, ano pa nga ba kundi ang pag-ibig. Totoo kaya ito? Parang mahirap sundin dahil paano mo mamahalin ang taong walang ginawa kundi pangarapin na pumangit ang iyong kapalaran? Mahirap gawin, pero ang totoong panlaban sa galit tulad ng nasabi na ay pag-ibig.
Sa panaginip, ito ba ay totoo? Oo, dahil ang witch na tinulungan mo ay siyang tumulong din sa iyo. Sa tunay na buhay, ganundin, gawan mo ng mabuti ang kapwa mo at gagawan ka rin niya ng mabuti.
Lagi mong isabuhay ang sinasabi na mabuti ang panlaban sa masama at palaging tinatalo ng mabuti ang masama. Kaya kahit alam mong maraming naiinggit sa iyo, ipakita mo pa rin sa kapwa ang pagmamahal na nasa puso.
Dahil bukod sa pangit ang mga witches, ang isa pang kahulugan nito ay wala sa kanilang nagmamahal at sila ang kadalasang mga bigo sa love life.
At dahil sa pag-ibig na ito na ipamamalas mo sa iyong kapwa at sa mga taong naiinggit sa iyo, ang mga witches na ito ay siguradong matatalo mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo