ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 8, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Vangie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman ang ibig sabihin ng mga panaginip ko.
Napanaginipan ko nang dalawang beses na nanlaban ako dahil pinagtangkaan akong pagsamantalahan, pero parehong hindi natuloy. Sa isang panaginip ko, umabot sa punto na naghahanap ako ng tulong para kasuhan ‘yung taong gumawa nu’n. Hindi ko matandaan kung sino at ano’ng itsura nu’ng nagtangka sa akin, pero sa panaginip ko ay parang kilala ko siya.
Napanaginipan ko rin ‘yung bunso kong kapatid na babae na lumangoy sa malaking aquarium na may kasamang octopus. Pero nang inaalala ko ‘yung panaginip ko, hindi naman mukhang octopus ang nakita ko. Mukha lang maraming retaso ng tela na kulay gray.
Napanaginipan ko ‘yung ex-boyfriend ko na biglang dumating. Napaka-sweet niya sa akin, tapos mahahaba ang kuko niya at puti na ang buhok. Bigla niyang tinanggal ang wig niya para ipakitang napapanot na siya. Mukha siyang nagpabaya sa sarili at sinabi niya na ‘yung mga minahal niya, eh, hindi siya mapagupitan ng kuko. Nangutang siya sa akin ng P5,000 at pinautang ko naman. Nakapagtataka lang dahil napakakuripot ko, pero sa panaginip ko, hindi ako nag-alinlangan na ibigay ‘yung inuutang na.
Sana ay matulungan n’yo akong maintindihan ang mga panaginip kong ito. Maraming salamat!
Naghihintay,
Vangie
Sa iyo, Vangie,
Ang una mong panaginip ay nagsasabing mag-ingat ka dahil puwedeng ikaw ay pagtangkaang pagsamantalahan. Huwag mong kakalimutan na mas mabuti ang mag-ingat kaysa kampante at may tiwala sa sarili dahil sa pag-iingat ay nakakaiwas. Tandaan mo rin na ang hindi nag-iingat, ang sarili mismo ang sinisisi.
Sa pangalawa mong panaginip ay nagsasabing ngayon ay lumalakas ang kutob mo at ang iyong tinatawag na “third eye” ay mas madalas na nakabukas.
Sa pangatlong panaginip naman, ang payo ay buksan mo ang puso mo sa posibilidad na ikaw ay lumigaya sa pag-ibig, ibig sabihin, makipagsapalaran ka.
Alam mo, iha, hindi lang sa sugal nakikipagsapalaran ang tao at hindi lang sa pagnenegosyo nakikipagsapalaran at hindi lang sa pag-a-abroad dahil sa bawat larangan na gustong lumigaya ng tao, siya ay dapat makipagsapalaran.
Dahil ang hindi nakikipagsapalaran ay tanggap na siya ay bigo, talunan at wala nang magagawa para matupad ang kanyang mga kagustuhan. Hindi maganda para sa iyo ang ganu’ng pananaw na para bang huminto ka nang mabuhay pa.
Dahil din dito, pakinggan mo ang payo ng iyong ikatlong panaginip na muli, ito ay nagsasabing makipagsapalaran ka sa langaran ng pag-ibig. Sa ganyang paraan, ikaw magtatagumpay at habambuhay na magiging maligaya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo