ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 13, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Minerva na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito:
May malaking party sa kapitbahay namin, maraming tao at naroon din ang isa sa mga bestfriend ko, tapos naroon ang tatay ko at nagmamasid at nakangiti, pero sa totoong buhay, matagal nang patay ang tatay ko.
May ibinigay na regalo sa akin ang mga dati kong alaga, pero sa totoong buhay, mga dalaga na sila ngayon.
Ano ang ibig sabihin ng mga numbers na 849 at 7044 sa panaginip ko?
Ililibing na ang tatay ko at lahat ng mga relatives namin ay naroon lahat, tapos nakasuot kami ng puting damit at mayroon din itong mga palamuti na kulay dilaw.
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito?
Naghihintay,
Minerva
Sa iyo, Minerva,
Ganito ang kahulugan ng iyong mga panaginip:
Ang “party” sa panaginip mo ay tulad din sa tunay na buhay na nagsasabing “There is reason to celebrate something!” Ibig sabihin, sa ngayon ay maganda ang takbo ng mga araw kaya dapat ay salubungin din ito nang may magandang pananaw.
Dahil kapag may celebration at um-attend ang isang tao sa party nang dala-dala ang lungkot niya, balewala ang anumang saya sa mga pagdiriwang. Pero kapag um-attend sa party at iniwan sa bahay nila ang kanyang lungkot, makababahagi siya sa bawat sayang dulot ng pagdiriwang. Dahil dito, iwan mo na sa limot ang iyong lungkot nang makabahagi ka sa magagandang araw na darating, ito ang payo ng una mong panaginip.
Ang may ibinigay na gift sa iyo ang dati mong alaga ay nagsasabing, marami kang natutunang magagandang ginintuang aral sa buhay. Kaya ang sabi ng iyong panaginip, gamitin mo na ngayon ang mga aral sa buhay na iyong natutunan. Ngayon at higit kailanman, ang mga ito ay iyong pakikinabangan.
Ang mga numerong 849, kapag napanaginipan ay nagbabalita ng sobrang malaking suwerte na para na ring naka-jackpot sa lotto kapag hindi inatrasan ang mga hamon ng kapalaran. Ang 7044 ay nagbabalita na puwede kang mag-abroad na bagama’t sa una ay magkakaproblema ka, sa huli ay makakaalis ka at gaganda ang iyong buhay.
Ang inilibing ang tatay mo, nandu’n ang lahat ng inyong relatives, nakasuot kayong lahat ng puti na may palamuting yellow ay nagsasabing ang tatay mo ay masaya ngayon, saanman siya naroon. Kaya dapat masaya ka rin dahil kapag hindi ka masaya, siya ay hindi rin magiging masaya.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo