ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 22, 2020
Dear Professor,
Sa ngayon, wala rito ang asawa ko at hiwalay na kami, pero napanaginipan ko siya na sinurpresa kami at biglang nandito na siya sa bahay. Tapos naligo siya, at habang hinihintay ko, binigyan niya ng pera ang mga kasamahan niya sa trabaho o ang mga iba pang tao na hindi ko kakilala. Tapos ako naman ay binigyan niya ng dollar, tapos ‘yung mga kamag-anak naman niya ay pinagbibigyan niya ng teddy bear. Tapos sabi ko, “Bakit sa amin, wala siyang ibinigay?” Tapos nagising na ako. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Cathy
Sa iyo, Cathy,
Masasalamin sa panaginip mo na sa kasalukuyan ay miss na miss mo na ang asawa mo, at masasalamin din na matagal na siyang wala sa buhay n’yo. Ito rin ay nagsasabing ikaw ay very lonely ngayon at siya ay iyo pa ring inaasahan na muling bumalik sa inyo.
Gayunman, bilang pagtatapat sa iyo, malabo nang maging kayo ulit dahil ayon din sa panaginip mo, mas gusto ng asawa mo na maghanap ka na ng bagong magbibigay sa iyo ng ligaya.
Mahirap tanggapin ang ganitong katotohanan, pero anumang hirap, sa huli ay maaayos mo rin ang iyong buhay sa sarili mong pagsisikap at kaya lang naman mahirap dahil kahit paano ay umaasa ka pa na baka maging kayo muli.
Pero kapag nakahanap ka na ng bagong ligaya, ganap na ring makalilimutan mo ang iyong asawa. Dahil dito, narito ang ilang bagay na inirerekomenda para sa iyo:
Buksan mo ang iyong puso para makapasok ang bagong pag-ibig. Oo, mahirap ba ‘yun? Ang totoo, ang ganitong payo ay madali lang sabihin at ito ang kadalasang ipinapayo sa mga nabigo sa love life. Kaya lang, paano nga ba bubuksan ang pusong nagsara dahil sobrang nasaktan?
Ngumiti ka palagi, sapagkat ‘yan ang unang hakbang. Oo, ngiti ang susi para mabuksan ang nakasarang puso. Subukan mo. Wala namang mawawala sa iyo kung ngingiti ka palagi, ‘di ba?
Ang totoo pa, ngiti at hindi tawa ang nagpapasaya sa tao at ngiti ang humihila sa mga suwerteng nasa tabi-tabi lang. Kaya lang naman sinasabing “tawa” ang pinakamabisang gamot ay dahil ito ay nagmula sa ngiti.
Dahil bago matawa, ang mga labi ay ngingiti muna at kapag ang labi ay hindi nagawang ngumiti, ang tawa ay isang imposibleng bagay.
Sa tawa, malabong ma-in love sa iyo ang isang lalaki o tao. Ang totoo nga, baka layuan ka pa dahil sa pagtawa mo. Pero muli, subukan mong ngumiti at magugulat ka sa magiging resulta. Hindi matatapos ang Paskong ito, masusumpungan mo ang sarili mo na yakap-yakap ang kaligayahan dulot ng isang mas masaya at matamis na pag-ibig.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo