top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 21, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Erick na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


‘Yung bata sa panaginip ko ay panay ang pagdumi at pagod na ako sa kalilinis ng dumi niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Erick


Sa iyo, Erick,


Ganito ang sabi ni Lord Buddha, “Pagmasdan mo ang mga bata, lilinis ang iyong kaisipan.”

Sa katuruan kasi ni Buddha, ang tinatawag na “Eight-Fold Path” ay tumutukoy sa malinis na personalidad, kilos at isip.


Ang kalinisan ng isip, kilos at personalidad ay inilalarawan ng bata dahil ang mga bata ay may dalisay, wagas at malinis na kaisipan, kaya sila ay kumikilos din ng ganu’ng kalinisan.

Maging si Lord Jesus man ay nagpapahalaga sa mga bata, sabi Niya na may diin, “Tumulad kayo sa mga bata at makakapasok kayo sa pintuan ng kaharian ng langit.” Ito ay dahil

ang bata ay may malinis, wagas at dalisay na puso at isip.


Pansamantala, isantabi muna natin ang panrelihiyong pananaw o kasabihan. Sa halip, ang tutukan natin ay ang pang-araw-araw na galaw ng ating buhay kung saan nabubuhay tayo para maabot natin ang ating mga pangarap.


Kaya ang ilagay natin sa ating isipan ay kailangan ng bawat isa— lalo na ikaw— ang malinis, wagas at dalisay na puso at isip dahil ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip.


Ang “dumi” ng bata ay tumutukoy sa mga suwerteng mapasasaiyo, mga suwerteng mula sa pagiging malinis ng iyong pagkatao.


Kaya ang pahabol na sabi ng iyong panaginip, kapag malinis ang iyong personalidad, sobrang matutuwa ka dahil ang dating ng mga suwerte sa buhay mo ay para na ring sinasabing tila ba wala nang katapusan.



Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo


 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 20, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Connie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng paniginip ko na mayroong bilog-bilog sa katawan ko? Gayundin, inuuod ako at may humahabol sa akin. Tapos may parada na kasama ko at nasa panaginip ko si Mr. Eddie Garcia. Paano nangyari ‘yun at ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito?


Naghihintay,

Connie

Sa iyo, Connie,


Marahil, takot na takot ka dahil kahit sino ang makapanaginip ng napanaginipan mo ay tiyak na negatibo ang papasok sa isipan. Gayunman, ang panaginip, para sa iyong kaalaman ay pangkaraniwang nagbababala ng maaaring mangyari sa hinaharap.


Kumbaga, ang panaginip ay kadalasang hindi tulad ng hula kung saan ang hulang tinutukoy natin ay ang mga tunay na “hula” mula sa mga tunay na manghuhula. Ang kanilang sinasabi ay mangyayari dahil kahit kailan at sa lahat ng panahon, ang salita ng hula ay letra-por-letra na magkakatotoo.


Malaki ang pagkakaiba ng babala sa hula. Sa babala, puwedeng maagapan ang hindi mabuting mangyayari. Halimbawa, sa EDSA, makikita natin ang signage na, “Bawal tumawid, marami na ang namatay.”


Nabasa mo ba ang nasa likod ng mga appliances na “Huwag bubuksan, makukuryente ka,” eh, ang uso ngayon na sinasabi ng mga doktor na, “Huwag kumain ng maaalat, masisira ang kidney mo”? ‘Yan ay mga uri ng babala o warning.


Ang panaginip mo ay nagbababala na mahina ang iyong panlaban sa mikrobyo. Ano ang gagawin mo? Ano pa nga ba kundi ang kumonsulta sa tunay na doktor at hindi sa mga albularyo.


At ang isa pang babala na isa ring paalala ay ang madalas nating binabanggit dito sa ating kolum na “Forewarned is forearmed,” ibig sabihin, “Kung alam mo nang ito ay mangyayari, dapat ito ay iyong paghandaan.”


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 19, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Carla na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


‘Yung asawa ko ay nagko-copra at dahil luto na, kinuha na ng mga tao ‘yung copra para ipakilo, tapos ‘yung asawa ko ay nasa loob ng hukay dahil doon ang lutuan ng copra at nakasako na, kaya iniaabot niya sa mga lalaki. Pagkatalikod ng mga lalaki, sabi ko sa asawa ko, “Hindi ka na nagtira para sa atin!” Sabi naman ng asawa ko, ‘wag akong maingay dahil may ipakikita siya at kinuha niya ang isang salamin na kuwadrado, ‘yun bang sa lamesita na salamin at may mga nakadikit pang mga ginto. Tapos ibinigay agad sa akin ng asawa ko at ipinatago ko agad para hindi makita ng mga tao, at pumasok na siya sa bahay. Nang ako ay lumabas, may katabi akong babae na ka-edad ko rin, tapos may nakita akong ahas at agad ko itong pinatay. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Carla


Sa iyo, Carla,


Ang panaginip mo ay naglalaman ng katotohanang nangyayari sa mga probinsiya, na ang hanapbuhay ay ang pagko-copra.


Maraming lugar sa Kabisayaan at Mindanao na nakaharap sa Dagat Pasipiko ang may mga nahuhukay na treasure mula sa mga barkong naglayag sa Pacific Ocean na naging biktima ng mga daluyong ng malalaking alon.


Karaniwan, ang mga barkong nasira ay napunta sa mga baybayin at ang mga nakaligtas na tripulante ay ibinaon ang sakay nilang kayamanan sa mga isla. Mahirap paniwalaan ang katotohanang ito, pero ito ay lantad na kuwento ng mga nasabing lugar ng ating bansa.


Sa iyong panaginip, masasalamin na gusto mo ring makahukay kayo ng kayamanan na nakabaon sa lugar na inyong pinagko-coprahan.


Puwede kayang magkatotoo ang lihim na hiling mong ito? Puwedeng-puwede, pero may ilang kondisyon na nagsasabing, narinig mo na ba ang ikinuwento ko na maraming nakukuhang kayamanan sa mga koprahan sa mga lugar na malapit sa Pacific Ocean?


Kung oo, ang kailangan mo lang ay stick na bakal na ipansusundot mo sa lupa at kapag may tinamaan na matigas na bagay, hukayin mo dahil malamang na isa ang mga ito sa nakabaong yaman.


Puwede rin namang habang nasa bukid o kaparangan kayo ng mister mo, suriin n’yo ang lupa sa paligid at kapag may nakita kayong basag na pinggan o gamit na porcelana, ibig sabihin, sa lugar na ‘yun ay may posibilidad na may matuklasan kayong kayamanan.


Subukan n’yo dahil wala namang mawawala sa inyo. Ngunit tulad ng iyong panaginip, ilihim n’yo dahil matutulad kayo sa ilang magsasaka na ibinalita sa buong barangay ang napulot na kayamanan sa bukid, kaya nagdagsaan ang mga tao at buong maghapon at gabing hindi tumigil sa paghahanap ng kayamanan ang mga ito, at nang lumaon, ang kayaman ay naubos at nasimot. Kaya tuald ng nasabi na, mahalaga na mailihim n’yo ang anumang paghuhukay na inyong gagawin.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page