ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 26, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Randy na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Puwede bang malaman ang ibig sabihin ng panaginip ko na ang dami ng buhok ng kilikili ko, tapos ang hahaba ng mga buhok nito?
Naghihintay,
Randy
Sa iyo, Randy,
Ayon sa iyong panaginip, masyado kang busy sa kasalukuyan. Puwedeng sa hanapbuhay o kaya naman ay puwede ring sa work. Puwede rin sa nagbi-bisihan ka lang at puwede ring masyado mong tinutukan ang mga wala namang kuwentang bagay nitong nakalipas na mga araw tulad ng bakit ka ba nalulungkot, eh, ang dapat ay okey ka lang.
Sa madaling sabi, mukhang napababayaan mo ang sarili mo. Kumbaga, hindi mo na naaalagaan ang iyong sarili o hindi mo na napapansin ang mga personal mong pangangailangan.
Ganito ang sabi, “Aanhin mo ang lahat ng yaman sa lupa…” may karugtong pa ‘yan, pero para sa panrelihiyong aspeto. Pero para sa iyo, ganito dapat, “Aanhin mo ang lahat ng yaman sa lupa kung mapanabayaan mo naman ang iyong sarili.”
Ganito ang sabi , “Ang niyayakap ang kalungkutan, wala nang pag-asa pang gumanda ang kapalaran.” Ang totoo nga, ayon sa mga sikolohista, ang maliit na kalungkutan, kapag lumala ay magiging isang sakit o karamdaman at ang tawag dito ay depresyon.
Okey lang sana kung simlpeng depresyon lang ang aabutin mo, pero paano kapag ang depresyon ay lumala o sabihin na lang nating paano kung nawawala na sa ayos ang buhay ng isang tao? Hindi na niya naasikaso pa ang kanyang sarili, minsan, pero madalas din naman, hindi na niya pinahahalagahan ang kanyang personal hygiene o kalinisan sa katawa.
Pansinin mo ang mga inaatake ng depresyon at makikita mo, nagsisihaba ang kanilang buhok. Dahil nga sa hindi na nila naaalala pa na ang kailangan ng tao ay grooming. Humahaba rin ang kanyang mga kuko o nails dahil napapabayaan na niya ang kanyang magandang porma.
Marami pang nangyayari sa kanya na hindi sana dapat mangyari sa isang taong inaatake ng depresyon.
Nagbababala ang iyong panaginip na ang pagpapabaya mo sa iyong sarili ay makasasama sa buhay mo. Dahil dito, narito ang ilang tips para makabalik ka sa sarili mo.
Nilikha ang tao na kawangis ni God, kaya dapat ma-maintain niya ang kanyang beauty.
Ang mga sakit nag-aabang lang sa paligid kaya ang tao dapat ay maging malinis, lalo na sa ngayong panahon ng pandemic.
Tandaan din naman na kapag maganda ang porma ng isang tao, mas lumalakas ang kanyang loob at ang mga oportunidad sa kanyang harapan ay kaya niyang sunggaban.
Hindi nabubuhay ang tao sa kanyang sarili lang. Siya ay may kapwa, kaibigan, mahal sa buhay at mga tao dapat niyang pakisamahan. Ang bawat kilos niya ay nakakaepekto rin sa lipunan, sapagkat ang isa pang katotohanan, ang lahat ay magkakaugnay.
Pagandahin mo ang sarili mo at gaganda na muli ang buhay mo at gaganda rin ang mundong iyong ginagalawan. Ito ang mensahe ng iyong panaginip.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo