ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 29, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Dindo na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nais kong magtanong sa inyo hinggil sa aking panaginip dahil ang aking asawa at ako ay madalas managinip ng dumi ng tao sa loob ng bahay namin. Naikuwento ko sa aking misis ang panaginip ko at siya pala ay ganundin ang kanyang napapanaginipan.
May eksena na paglabas ko ng kuwarto namin ay puno ng dumi ng tao ang salas namin, gayundin, may senaryong nagkalat ang dumi sa lapag ng banyo namin.
Ano ang ibig sabihin ng ganitong panaginip? Sana ay maging masagana ang ating mga buhay ngayong nalalapit na Bagong Taon. Maraming salamat!
Naghihintay,
Dindo
Sa iyo, Dindo,
Alam mo, ang lantay na ginto o pure gold ay kawangis ng dumi ng tao. Ang totoo nga, ang ginto ay tinatawag din na “Bowels of the Earth”.
Dahil dito, ang dumi ng tao ay sinisimbolo ng ginintuang kapalaran na ang isa pang ibig sabihin ay ang pagkakaroon ng kayamanan.
Oo, ito ay isang pagkaganda-gandang balita para sa mga nanaginip ng dumi ng tao, pero kailangan n’yo ring malaman na ang ginto ay hindi madaling kunin o hindi simpleng makukuha. Kumbaga, mahirap magkaroon ng ginintuang kapalaran dahil kakaiba ang paraan para magkaroon nito. Dahil dito, para magkaroon ng gintong kapalaran, ang payo ay nagsasabing ibang paraan ang iyong gawin sa inyong buhay.
Ito rin ay nagsasabing kung kayo ay nagnenegosyo, iba ang dapat maging style n’yo kaysa sa inyong mga kakumpitensiya. Sa mundo ng negosyo, sadyang maraming kakaibang paraan na makikita natin ngayon.
Tulad ng “buy one, take two,” minsan, “buy and have a chance to be millionaire.” Mayroon pa ngang puwede kang manalo ng “trip around the world.”
Sa ngayon, nakagugulat ang mga bagong produkto na halos lahat na yata ay 3-in-1, as in, tatlo ang laman sa iisang produkto at minsan, may mga produktong 5-in-1 at 7-in-1 pa.
Ngayong papasok ng Bagong Taon, makikita mong nagkalat ang mga paninda na may kasama pang ibang produkto para bumili ka. ‘Yun ay ang isa pang gimmick na kung tawagin ay “free”.
Ito ay sa dahilang likas na mayaman ang kaisipan ng mga Pinoy at dahil ikaw ay isang Pinoy, tiyak na mayaman din ang iyong imahinasyon, kaya hindi ka mauubusan ng naggagandahang ideya na puwedeng sa huli ay mapasaiyo ang gintong kapalaran.
At hindi lang naman sa larangan ng negosyo nagagamit ang kakaibang paraan. Kahit sa buhay, puwede rin naman tulad ng ikaw ay nasanay sa paggamit ng kanang kamay, bakit hindi mo subukan na gamitin muna ang iyong kaliwang kamay kaysa sa kanan?
Puwede ring sa halip na sa kusina kayo kumain, parang okey muna na sa salas kayo magsikain. Kung may backdoor kayo, roon muna kayo pumasok sa halip na front door at mag-isip ka pa ng kakaibang style o paraan para mabago ang takbo ng buhay n’yo.
Narito naman ang inirerekomenda ko sa iyo na kakaiba at ito ay nagsasabing ang tatayaan mo ay ang mga numero ng mga kaaway mo dahil ito rin ang isang kakaibang pormula upang suwertehin ang mga taong matagal nang tumataya, ngunit hindi pa nananalo.
Subukan mo dahil wala namang mawawala sa iyo kung gagawin mo. Ang totoo nga, sasaya ka at may kakaibang sigla na madarama dahil ang isa pang totoo sa buhay ng tao, hindi lang sa panaginip kundi sa aktuwal din nating buhay na ito, may nararanasang kakaibang sarap at ligaya sa paglabas ng dumi ng tao.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo