ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 2, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Jenny na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng may biglang lumapit sa akin na isang kostumer na babae at binuhusan ako ng tubig, tapos gumanti ako ng pagbuhos at nagbuhusan kami ng tubig?
Naghihintay,
Jenny
Sa iyo, Jenny,
Naalala mo ba ang sikat na sikat na quotation ni Lord Jesus Christ na, “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.” Kaya “bato” ang ginamit na salita dahil solid matter ang ginamit.
Samantala, muni-muniin natin ang ganito: Siguro kapag hangin ang salita, ihip ang gamitin, kaya kapag hinipan ka ng malakas na hangin, hipan mo ng mahina o banayad na hangin. Siguro kapag apoy ang gamit ay “pukol,” kumbaga, kapag pinukol ka ng nag-aalab na bolang apoy, pukulin mo ng apoy na malamig. Pero mayroon bang “apoy na malamig”? Wala yata, pero sa mundo ng sining ng literatura, ang “malamig na apoy” ay ang pag-ibig na malamig.
Sa sinabi ng Kristo na “Kapag binato, batuhin mo rin.” Kaya parang mali ‘yung hindi ka gaganti. Baka naman isipin mo, okey pala ang ginawa mo sa iyong panaginip na ang bumato sa iyo ay ginantihan mo. Mali ka kapag ganu’n ang inisip mo.
Mahirap talagang maunawaan ang mga aral ni Kristo, kaya siguro sobrang dami ng relihiyon at mukhang paparami pa nang paparami dahil nga bakit mahirap unawain ng mga aral ni Lord? Kung diretsa na lang sana niyang sinabi kung ano ang gusto niyang mangyari, sana ay wala nang mga pagtatalo.
Para madali nating maunawaan ang “batuhan” na pinagagawa ni Lord, magbalik-tanaw tayo sa nasusulat sa Banal na Aklat, at ito ang mga aral, hindi lang ng mga banal kundi ng lahat ng mga lumitaw sa mangangaral sa mundo na “Ang katapat ng Galit ay Pag-ibig.”
Kaya, Jenny ang mensahe ng panaginip mo, lalo na ngayong Bagong Taon ay nagsasabing pag-ibig ang iganti mo sa gagawa sa iyo ng hindi mabuti.
Muli, mahirap maunawaan, pero pag-ibig ang katapat ng galit. Para malaman mo kung totoo, suriin mo ang ilang pagmamahalan na sa una ay nagalit, pero sa huli ay umibig. Marami nang nakaranas ng ganyang kuwento ng pag-iibigan dahil totoong-totoo na ang galit ay pag-ibig.
Kaya nga sa pagmamahalan o pakikipagrelasyon, hindi nawawala ang pagkakagalit dahil pagkatapos ng galit ay maalab na pag-ibig. Mararanasan mo ito kapag na-in love ka kung saan magagalit ka dahil ang kinagagalitan mo ay mahal mo. At kapag sobra ang galit mo, ibig sabihin ay sobrang in love ka talaga sa taong ito.
Maganda sanang isipin at masaya sanang pangarapin na ang bawat pagmamahalan dahil “love” ang pinag-uusapan ay wala kahit katiting na galit. Okey na okey sana kung ganu’n, kaya lang, walang bahid ng katotohanan sa mundo ng reyalidad na sa pagmamahalan ay walang kagalitan.
Maaring mayroon kang makita ngayon na hindi nagkakagalit, pero ngayon lang ‘yun dahil maaaring bukas ay wala na sila, kumbaga, break na sila dahil kapag walang galit, wala ring pag-ibig, kaya magkakahiwalay dahil hindi naman pala talaga umiibig ang hindi nagagalit. Pero bakit kapwa mo babae ang nakabangga mo sa iyong panaginip? Ayon kay Carl Jung, siya ang “Father ng School of Thought” sa Psychology of Analytical Psychology kung saan sinabi niyang sa bawat lalaki, may personalidad ng isang babae. Kaya ang katangian ng bumato sa iyo ay babae, pero siya ay lalaki, kaya pagkatapos mong mapanaginipan ito, may makakagalit kang lalaki, na kitang-kita ang ilang katangian ng isang babae.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo