ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 5, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Fely na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko ang rebulto ni Mama Mary na biglang umilaw sa bandang korona at pumila ako dahil gusto kong lumapit sa rebulto. Noong siya ay aking makatabi, niyakap ko siya nang mahigpit at tinatawag ang kanyang pangalan at ako ay umiiyak. Pagkatapos nu’n, nagising na ako. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Fely
Sa iyo, Fely,
Kadalasan, nangangako ang tao pero hindi naman niya ginagawa ang kanyang pangako. Kahit hindi pa natutupad, nangangako muli, kaya ang mga tao, sa totoo lang ay nabubuhay sa mga pangako.
Dahil nasanay na sa pangako, pati ang mga obligasyon sa kapwa ay hindi na rin ginagawa. Kasi nga, kung ang pangako sa sarili ay hindi nagawa, paano pa tutuparin ang pangako sa kapwa?
Kaya sa Bagong Taong ito, sana ay matupad natin, hindi lamang ang ating New Year’s resolution o ang mga pangako natin sa ating sarili kundi pilitin din nating matupad ang pangako natin sa ating kapwa, lalo na sa ating mga mahal sa buhay.
Samantala, ang masaklap pa nga nito, ‘yung iba ay nangangako rin kay God, tapos hindi rin matutupad. Nangako na magsisimba sa Our Lady of Mercy, magno-novena sa Baclaran, magsisimba sa Quiapo, pero hindi naman magawa. Kaya nga ang sabi ng panaginip mo, hinihintay ka ni Mama Mary na gawin mo ang mga ipinangako mo. Kahit isang beses lang, ang pangako mo ay gawin mo.
Kapag nagawa ng tao ang kanyang pangako kahit isang beses at kahit ito ay walang kinalaman sa kanyang relihiyon, malaki ang ipagbabago ng kanyang buhay. Dahil ang isang beses na nakatupad sa pangako ay masasabing “She or he breaks the ice”.
At ang sabi ng mga life coaches, marami pang ice ang kanyang mabi-break, kaya siya ay magiging iba sa dating siya at mas malaki na ang tsansa na ang malaki rin niyang pangarap ay matupad at ito ang pangarap na yumaman.
Alam mo, hindi naman nagagalit sa iyo si Mama Mary, mahaba ang kanyang pang-unawa dahil ganu’n ang pag-ibig ni Mama Mary sa mga tao, kaya ayaw ni Mama Mary na ang tao ay mabuhay sa kawalan ng pag-asenso at puro pangako.
Kaya, magsimba ka at tuparin mo ang sinabi mo sa iyong sarili na mag-aalay ka ng dasal na rosary kay Mama Mary. Sa biglang tingin, ito ay isang pangrelihiyon na aktibidad, pero sa maniwala ka o hindi, ang mas mahalaga ay kaya mo palang tuparin ang mga pangako mo sa iyong sarili.
Ang totoo, ang isa sa pinakaunang susi ng success at pagyaman ay ang kakayahang matupad ng tao ang sinasabi. Doon siya hahangaan ng kanyang kapwa at ang sarili niya mismo ay hahanga at ang mabuting balita ay nagsasabing hangang-hanga ang langit sa taong ginagawa ang kanyang sinasabi, lalo na si Mama Mary.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo