ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 8, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Alfred na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko. Ganito kasi ‘yun, ‘yung itlog ng manok ay nililimliman, tapos nagulat ako dahil ‘yung mga itlog ay nakabitin na marami at magkakadikit. Nang wala na ‘yung inahin, tinuklap ng apo ko ‘yung balat, kaya lumabas ‘yung sisiw. Natuwa ako at ‘yung mga sisiw ay malalaki na, tapos mayroong kakaunti ang mga balahibo at mayroon namang puti na ang mga balahibo. Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Alfred
Sa iyo, Alfred,
Maraming pinanggagalingan ang mga suwerte sa buhay.
Ang una ay dahil sa sikap. Ito ang mga taong nagsikap nang nagsikap hanggang sa matupad ang kanilang mga pangarap at nang makita ng lahat na siya ay maunlad na, ang sabi ng mga nakakikilala sa kanya, “Ang taong ito ay sinuwerte sa buhay.”
May mga nagsunog ng kilay o buhok matapos lang sa pag-aaral at nang umasenso dahil sa natapos na larangan, ang sabi ng mga tao sa kanya, “Ang suwerte naman niya!”
Ganito rin ang naranasan ng mga nagtipid na halos hindi na kumain para lang makaipon at nang makaipon na, ang sabi sa kanya ng mga tao, “Ang suwerte naman niya!”
Mayroon ding ang magulang ay nangutang nang ngautang para maitaguyod ang kanyang pamilya at nang lumaon ay yumaman na nga, ang sabi ng kanyang mga kapitbahay, “Siya ay suwerte!”
Pero suwerte nga ba sila o kaya lang sila nagsiyaman ay dahil sa mga pinagdaanang hirap, pawis, dugo at buwis-buhay na pagpupunyagi? Kumbaga, hindi basta-basta o agad-agad na nagsiganda ang buhay nila, kaya hindi rin agad masasabi na siya ay suwerte o sinuwerte.
Kung ganu’n, sino ang tunay na masusuwerteng nilalang? Sino pa nga ba kundi ang nakaranas ng “Iba ang nagbayo at iba ang kumain!” Nage-gets mo ba? Nakatutuwa, hindi ba? Dahil sa ehemplong binanggit sa itaas, may mga nagpakahirap pero iba ang umani ng kanilang pinaghirapan.
At ibinabalita ng iyong panaginip na ikaw ay isa sa makakakain sa mga butil ng palay na pinaghirapang gawing bigas ng ibang tao. Kaya ayon sa panaginip mo, isa ka rin sa aani ng magandang kapalaran nang dahil sa paghihirap ng iyong kapwa. Kaya naman, ikaw, Alfred ang tunay na masuwerte.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo